Tanggap nga ba ng Pinoy Christians ang EJKs?
By Maria Lourdes Sereno
Mahirap sagutin ano po? Ayon sa Biblia, lahat ng tao ay ginawa sa wangis ng Diyos (Gen. 1:26) at dahil dito, sisingilin ng Diyos ang buhay ng sinumang papatay ng kapwa (Gen. 9:6;). Ang dugo ng mga inutas na mga inosente ay umiiyak sa Diyos at humihingi ng katarungan; ipaghihiganti ng Diyos ang mga ito; at madadamay din sa sumpa ang lupa ng bayang nagdadanak ng dugo (Deuteronomy 19:10, Jeremiah 22:3; Proverbs 6:17; Gen. 9:6; Psalm 106: 38).
Kung ang mga pinatay ay inosente o kahit mayroong sala ay pinatay sa di-makatarungang paraan, hindi ito palalampasin ng Diyos, may singilan na mangyayari. At hindi natin kayang magmaang-maangan na wala tayong kinalaman sa mga nangyayari. Babala sa atin ng Proverbs 24:11-12 na kahit ipagkaila pa natin, alam ng Diyos ang lahat ng lihim ng puso, at kasama na dito ang maaaring tinatanggi nating atas ng Biblia sa atin na “(t)ulungan mo at iligtas ang hinatulang mamatay ng walang katarungan.” Kasalanan ang hindi paggawa ng tama sa mga taong alam kung ano ang tama (James 4:17).
Ang sabi ng iba, wala naman daw pruweba na laganap ang patayan ng mga inosente sa Pilipinas, o sa di-makaturang paraan. At kung meron mang ganyang nagaganap, hindi maaaring ituro ito sa Pangulo o sa pamahalaan. Tutal, nasa International Criminal Court na iyan at sa iba pang mga indibidwal na korte, wala na tayong mga Kristiyanong pananagutan sa mga nangyayaring patayan.
Iyon kaya ang totoong saloobin ng mga Pilipino? Tingnan natin ang datos.
(1) 89% ng mga Pilipino ay kinikilala ang sarili nila na mga Kristiyano [See link # 1];
(2) 83% ng mga Pilipino ang nagsasabing “very important” sa kanila ang relihyon [See link # 2];
(3) Inaamin ng PNP na at least 6,600 na ang mga namatay sa police operations sa drug war, habang ang mga human rights groups ay tinatayang higit sa 20,000 ang totoong numero [See links # 3];
(4) Naniniwala ang 76% ng mga Pilipino na maraming violation ng human rights ang nangyayari sa drug war ng administrasyon at 56% ang sumasang-ayon na dapat imbestigahin ng United Nations ang mga EJKs kaugnay sa drug war [See link # 4];
(5) Gusto ng 95% ng mga Pilipino na ang mga drug suspects ay buhay at hindi mamatay [See link # 5];
(6) May 2017 survey na nagsasabing hindi naniniwala ang mga Pilipino na ”nanlaban“ ang mga namatay sa drug war, taliwas sa sinasabi ng kapulisan. At meron namang survey noon 2018 na naniniwala ang mga Pilipino na sa tingin ng pulis, mahalaga sa mga pulis na ang mga drug suspects ay “captured alive” (See links # 6);
(7) Matindi ang takot ng mga Pilipino na sila ay ma-EJK o mamatay sa drug war (See link # 7);
(8) Inaamin ng Dangerous Drugs Board at makailang beses ng Pangulo, na hindi mawawakasan ang problema ng droga hanggang sa dulo ng termino ng Pangulo (See link # 8);
(9) Gayunpaman, mataas ang approval ng mga Pilipino sa “drug war” program ng Pangulo.
Alam ng mga Pilipino na mali ang malawakang pagpaslang ng kanilang kapwa sapagkat nais nila na buhay sana ang mga ito. Mula sa pagkabata ay binibigkas na nila ang: Thou Shall Not Kill! Alam nila na nagsisinungaling ang maraming kapulisan sa nangyayari. Ngunit aprub sa kanila ang drug war approach ng Pangulo. Ngunit kung ang tawag ng mga Pilipino sa kanilang sarili ay mga Kristyano at “very important” sa kanila ang relihiyon, kailangan nating pag-usapan ang maraming katanungan pagkat maaaring hindi natin talaga kilala ang ating lahi, nawawala na tayo sa landas, o kaya’y namamatay na rin pati ang ating kaluluwa.
Ito kaya ang ibig sabihin ng mataas na approval rating ng “drug war program” ng Pangulo?
(1) Hindi totoo ang Kristiyanismo ng karamihan ng mga Pilipino at ang pagiging “very important” ng relihiyon ay panlabas lamang at hindi pagtalima sa iniuutos ng kanilang kinikilalang relihiyon;
(2) Ang Kristyanismo ng mga Pilipino ay pansarili lamang at pang-pamilya, hindi talaga mahalaga sa mata ng karamihan na ang bawat isa ay mahalaga;
(3) Mas nangingibabaw ang takot ng mga Pilipino kay: (a) Pangulong Duterte; and/or (b) mga kapulisan kaya’t kahit mali, aprub na rin sila;
(4) Kaya nilang kalimutan, di-pansinin o patayin ang kanilang konsyensya sa malawakang kamalian na alam nilang nangyayari sa lipunan;
(5) Wala silang pakialam basta’t safe at komportable ang buhay nila;
(6) Tinuruan silang huwag makialam sapagkat ang pananampalataya ay para sa loob ng simbahan lamang;
(7) Hindi naituturo sa kanila ang Biblia pagkat hindi nila alam ang sumpa sa bayang dumadanak ang dugo;
(8) Hindi nila alam na uusigin at sisingilin sila ng Diyos dahil hindi nila pinaglaban ang mga namamatay ng walang katarungan;
(9) Helpless sila at hindi nila alam ang gagawin;
(10) Basta’t “saved” sila, pupunta sila sa langit at bahala na anumang nangyayari sa lipunan; o
(11) All or some of the above.
Kaawa-awa ang ating mga anak at apo kung hindi natin mababaligtad ang trajectory o landasin natin.
Kapag wala na sa pwesto si Pangulong Duterte, sisingilin at sisingilin ng mga namatayan ang kalupitan na kanilang naranasan. At wasak ang rule of law, ang mga institusyon ng hustisya, at lalung-lalo na ang kapulisan. Wala rin palang malulutas na drug problem, inamin na mismo ng Dangerous Drugs Board at ng Pangulo ang ganitong realidad, bakit pa tayo pumasok sa madugo at madilim na yugto ng ating kasaysayan, at bakit pa ba natin inako ang sumpa na dulot ng “shedding of innocent blood”?
Kung sang-ayon kayo sa analysis na ito, kailangan tayong mag-about face upang mabawasan ang sumpa at paniningil ng Diyos na nakaabang sa atin. Umpisahan na natin kaagad ang ganitong mga hakbang, kung tunay ngang may takot pa tayo sa Diyos at sa impyerno:
(1) Magsisi, individually and as churches and fellowships, sa pag-clap, pagbunyi at pagsulsol sa aktwal na patayan at sa linggwahe ng Pangulo na Kill, Kill at Kill;
(2) Magsisi ang lahat ng pumatay, pumayag sa pagpatay at may kinalaman sa malawakang patayan sa Pilipinas – ito ay para sa lahat ng government officials, police, military, private civilians, barangay officers, atbp;
(3) Magsisi sa di-pagtulong sa mga namatayan, sa mga nag-rereport ng patayan gaya ng media, human rights groups, Commission on Human Rights, lawyers at paralegals;
(4) Tumulong sa pagsuporta sa mga pangangailangan ng lahat ng pamilya ng biktima, paaralin ang mga ulila at tulungan ang mga balo;
(5) Lumuhod sa Diyos at humingi ng kapatawaran ang buong simbahan sa pagsuporta sa mga mapang-aping mga government officials at sa pagiging walang kibo sa malawakang patayan – importante ito para sa lahat ng leadership ng Christian churches, mga pastor, pari, teachers, at mga elders pagkat nakita ng mga kabataan ang kawalan ng kabuuan ng faith at paninindigan.
(6) Magsisi sa parang walang tunay na pananampalataya ang mga Kristyano pagkat imbis na hingan ng tulong ang Diyos para mapuksa ang kriminalidad at mapigilan ang drug addiction, pinayagan natin ang gobyerno na maglunsad ng malawakang patayan, kaya’t ang dugo ng mga namatay ay nasa kamay nating lahat bilang bayan.
(7) Buhayin ang due process, ang rule of law, at huwag na huwag na ulit magsusuporta ng mga mamamatay tao o kagaya nila.
(8) Tukuyin ang tunay na solusyon sa kriminalidad at problema sa droga.
(9) Ibangon muli ang bayang Pilipinas sa kasamaang kinasadlakan nito.
Hindi pa huli ang lahat. Matinding idulog natin sa Diyos at kapwa ang kapatawaran at magbagong buhay. Ipagdasal lalo na ang ating mga konsyensya, na hindi ito masanay sa mga nakahandusay na bangkay ng summary killings; pati na ang ating mga puso na wag mawalan ng awa sa mga naulila sa gayong patayan. Kung lalapit tayo sa Diyos ng buong pagkukumbaba, tatanggapin Niya tayo at tutulungang tunay na magbagong buhay.
ITO PO ANG LINKS SA MGA DATOS SA ITAAS:
[1] https://www.worldatlas.com/…/religious-beliefs-in-the…
[2] https://newsinfo.inquirer.net/…/record-high-83-of…
[3] https://newsinfo.inquirer.net/…/6600-killed-in-war-vs… and https://www.philstar.com/…/despite-police-claims-drug…
[4] https://www.sws.org.ph/swsmain/artcldisppage/…
[5] https://www.sws.org.ph/…/pr20190216%20-%20SWR2018-IV…
[6] https://www.rappler.com/…/filipinos-police-nanlaban… and https://www.sws.org.ph/…/pr20190216%20-%20SWR2018-IV…
[7] https://cnnphilippines.com/…/sws-78-percent-fear-EJK.html
[8] https://www.cnn.ph/…/Duterte-drug-free-Philippines-2020…