Sunday Reflections:

Twice na itong naikwento sa akin ng isang pastor na kilala sa pag-aaruga sa street dwellers at poor communities sa Manila.

By Maria Lourdes Sereno

Maria Lourdes Sereno

Ito ay salaysay ng streetdwellers sa kaniya: May nagre-recruit sa kanila. Bibigyan daw ng halagang PhP 18k kada isa kapag nanalo ang alam niyo na kung sino. Kailangan nilang magpalista, magpakita araw-araw sa isang FB page, at panoorin ang mga videos na inia-upload doon. Yun lang daw. At siyempre lahat ng content ay pampabango sa isang hindi katiwa-tiwalang kandidato at pamilya niya.

Paano nga naman makakawala ang mga desperado nating kababayan kung pilit silang pinapakain ng kasinungalingan araw-araw? Wala daw silang magagawa, sabi ng iba sa kaibigan kong pastor. Yun lang daw ang posibleng pagkakataon nilang makahawak ng ganung kalaking halaga.

Manalangin po tayo:

Panginoon, ipinangako Mo ang kalayaan ng lahat ng hihingi sa Iyo ng pagpapalaya sa kanilang iba’t ibang pagkakagapos. Napipilitan po ang iba naming kababayan, na bumabad sa mundong ang pinapakain ay kasinungalingan. Dahil sa kanilang pagiging desperado na makaahon sa kahirapan, hindi na po nila makayang maisip na nakikilahok na pala sila sa kasamaan. Sa isipan nila, manonood lang naman sila ng mga video tungkol sa isang kandidato at pamilya niya, napakadaling paraan yun para kumita ng napakalaking halaga.

Panginoon, tunay nga pong napakahirap ipaliwanag na bahagi ito ng pamamaraang pambudol-budol, upang makabalik ang pamilyang hindi kailanman nararapat na ibalik sa kapangyarihan. Dahil sa napakalaking mga pagkakasala sa bayan na hindi nila pinagsisihan—ang napakaraming namatay at na-torture, ang pagsiil ng karapatan ng taumbayan, at ang pinakamalaking pandarambong ng isang pangulo sa kasaysayan ng aming lahi.

Bigyan Mo kami ng paraan, Ama, upang maabot ang mga kababayan naming pinagsasamantalahan sa ganito at iba pang kahawig na paraan. Maabot ng liwanag ng katotohanan na hindi kailangang lagi na lamang silang ginagamit at pinagsasamantalahan ang kanilang kakulangan.

Ikaw lamang, o Diyos, ang makapagbibigay ng paraan para malutas ang problema ng kahirapan sa aming bansa. Sa ngalan Mo, o Hesus, lalaban kami sa mga mapansamantala sa kahirapan ng aming kapwa.

Umaasa kami o Diyos, sa pagliligtas Mo sa aming bayan. Amen.

SHARE