STEPS FORWARD: Attention po sa MEDIA

By Maria Lourdes Sereno

Maria Lourdes Sereno

Marami po doon sa tumutuligsa sa media na sinasabing bayaran daw kayo ng mga “dilawan” ay walang realisasyon kung gaano kahirap kumuha ng isang news footage (audio-video), mag-research sa background ng istorya niyo, at gaano kahirap makakuha ng interviews sa magkabilang panig (madalas kailangan pang may contact kang insider ng team ng interviewee niyo).

Hindi rin nila alam na iyung mga sasabihin niyo ay may mag-aapruba pang news head o section chief.

Hindi rin nila alam na yung write-up sa physical na dyaryo niyo o sa digital news format niyo sa internet ay sing-bigat din ng preparasyon sa mga audio-visual materials niyo na nabo-broadcast.

Hindi rin nila alam na napakadali kayong maihabla at maaaring makulong o may mahal na damages na ipababayad sa inyo ng korte, kung lumabag kayo ng batas.

Dekada niyong pinaghirapan na itayo ang mga pangalan niyo. Yung mga Journalism at Communications professors niyo, dekada ding idinidiin sa inyo ang Code of Ethics ng Journalism.

Ngunit ang pinakamalaking banta sa inyo, ay mga fly-by-night video producers na malinaw ang pakay: sirain ang mga institusyon ng katotohanan. Maaaring hindi niyo pinansin ang mga Youtube at Tiktok videos na naglipana, ngunit sasabihin ko sa inyo ang mga naririnig ko mula sa ground, mula sa bahagi ng pangkaraniwang Pilipino. Maaaring iba sa kanila ay troll accounts, pero meron pong mga genuine accounts din:

  1. Kung walang video (no category ito ha, sa minds ng ibang viewers, ke anonymous o attributable), hindi totoo;
  2. Mas maraming video, mas totoo;
  3. Kahit spliced, collage, na voice-over, o props lang, halimbawa, ng goldbars, ang nasa video, ito ay totoo;
  4. Nabayaran na ng “dilawan” at “oligarchs” ang media, at nagkakampi-kampi para siraan ang mga Marcos, kinawawa sila (massive hate campaign against mainstream media ito)
  5. Ang galamay ng oligarchs ay nakakaabot pati sa ibang bansa, patunay dito ay ang Nobel peace prize ni Maria Ressa na dahil sa impluwensya ng oligarchs (unbelievable, ano po?)

Iyong mismong standards of excellence ng media, at ang tendency niyo na huwag pumatol sa mga fake videos, ay na-take advantage para maging “unchallenged” ang pagbaligtad ng kasaysayan ng kilalang presidential campaign. Hula ko, meron kayong na-presume na lebel ng pagkaunawa sa ating mga kababayan na mali pala. Inakala niyo siguro na self-evident ang correct historical narrative at ang organisasyon ay kayang bitbitin ito unchallenged. Hindi po.

Ang tamang pagsasalaysay ng kasaysayan ng Pilipinas ay pinahina na nang husto. Ang media bilang fourth estate at guardian ng demokrasya at katotohanan ay pinagduduhanan na ng mga tao. Kung gaano kadami ang may ganung paniwala, hindi ko pa matantsa.

Ang kalaban lang pala ng katotohanan ngayon ay isang script, at isang video, then upload sa Youtube at Tiktok, ipa-viral lang at lahat ng involved ay walang accountability. Repeat by several dozens such videos, repeat and repeat the modus. Over time, anumang haligi ng demokrasya ay maaaring gumuho–mga unibersidad, works of scholars, accountability and ethics in government, at responsible media.

Dahil po specialty niyo ang komunikasyon, tingin ko, you should treat the present situation as needing a most urgent response. Mukhang bagong paraan ng pag-approach sa sitwasyon ang kailangan.

Salamat po.

SHARE