SA MGA HISTORIANS, ITO PO ANG REALIDAD
By Maria Lourdes Sereno
Lumalabas po mula sa maraming istorya sa akin ng ating mga kababayan, na dahil walang “interesting” content tungkol sa Marcos years at Martial Law na madaling ituro sa mga bata, gumamit ang mga Araling Panlipunan teachers ng kung ano ang makikita nila sa Youtube at Tiktok. At tinuruan na din ang mga estudyante na okay daw na sa format na yun manggaling ang mga research papers nila. Kaya nawalan ng abilidad mangilatis ng katotohanan versus kasinungalingan ang mga kabataan, pati na ang mga guro nila.
Kailangan po na ang DepEd at ang mga historical associations ay umaksyon kaagad. Hindi dahil mamumulitika sila kundi tayo ang isa sa mga iilang bansa na taliwas ang pananaw ng taumbayan sa mga naiulat na sa mga historical, news reportage at legal records worldwide. Tayo ang bansa na hangang-hanga sa mga pinunong kilala sa kasinungalingan at pagnanakaw. Mawawala ang pundasyon ng tamang pamamayanan. Gagamit tayo ng false historical identity — mga sibol ng Tallano gold, Maharlika Republic, at kaharian na kathang-isip ng mga Marcos kung saan entitlement ng mga anak ang kapangyarihan.
Hindi iyan ang historical identity natin.
Balikan natin ang mga nagtatag ng bansang ito. Ang mga tunay na nagbuwis ng buhay at isip upang itatag ang first democratic republic in Asia. At kung saan walang hari, kundi ang bawat isa ay malaya at pantay-pantay.