POSIBLE BA YUNG KWENTO NG MARCOS GOLD MULA SA MGA TALLANO?
By Maria Lourdes Sereno
Para po doon sa nalilito sa claim na nagmula ang yaman ng mga Marcos sa lupa ng isang royal family kuno noong unang panahon, ito po ay maikling background tungkol sa pagtititulo ng mga lupa sa Pilipinas:
1) Noong nasakop ng Spain ang Pilipinas, itinatag ang tinatawag na “Regalian doctrine.” Ibig sabihin po ng doktrinang ito, na ang lahat ng lupa sa Pilipinas ay pag-aari ng Spanish crown. Wala pong titulong kikilalanin ang Spanish authorities kundi ang mga mai-issue na royal decrees, gaya ng ibinigay sa pamilyang Tuason, o yung mga ari-arian na ibinigay sa religious orders. Wala pong kinilalang titulo ng mga datu, kasi nga po ang legal rule ay lahat ay pag-aari ng Spanish Crown.
2) Noong dumating ang mga Amerikano, ipinagpatuloy nila ang ganyang legal rule na sa estado ang pag-aari ng lahat ng lupain. But this time, dahil ang Philippine Islands ay under the American colonial government, ang maaari lang mag-issue ng mga titulo ng lupa ay ang American colonial government, kapalit ng umalis na Spanish government.
3) At dahil naging independent republic na po ang Pilipinas, siyempre po, only the Philippine government and no other entity, ang pwedeng mag-issue ng titulo ng lupa. Hangga’t hindi po dokumento na nagpapatibay na kinikilala o idinedeklara ng Republika ng Pilipinas ang pag-aari ng lupa, wala pong legal effect ito. At the most, ebidensya lang para makakuha ng titulo, ngunit ultimately, galing pa rin sa estado ang titulo ng pagkilala.
4) Ang isa pong exception na ipinasok ng batas, ay nung ni-recognize ang ancestral lands. Ito po yung mga lupang held “since time immemorial”, ibig sabihin mula sa sinaunang panahon, nasa isang indigenous group na ang pag-aari ng lupang iyon. Sa mga kabundukan po matatagpuan ang mga ancestral lands na ito, kung saan nananahan pa rin ang mga tribu.
5) Kaya po sa Pilipinas, ito lamang ang mga titulong kinikilala ng batas:
a) Original Certificate of Title o Transfer Certificate of Title na galing sa Registrar of Deeds under the Land Registration Authority. Ito po ang sistema ng Torrens titling;
b) Judicial decree of ownership, na iba’t iba pong maaaring pangalan ngunit nagsisimula sa pagkilala ng korte na ayon sa specific na probisyon ng batas, ang isang indibidwal nga ang nagmamay-ari ng partikular na lupa;
c) Patent o Titulo na nanggagaling sa Secretary of Agriculture, Secretary of Agriculture and Natural Resources, o Department of Natural Resources at mga authorized na departamento nito, depende po sa panahon kung kailan nakuha ito;
d) Certificate of Land Ownership na nanggagaling sa Department of Agrarian Reform; at
e) Certificate of Ancestral Land Title na nanggagaling sa National Commission on Indigenous People.
6) Masyadong halata na fake ang kwento ng Tallano royal family, kasi hindi pumapasok ang kwento nila sa kahit anong kategorya ng pagpapatitulo ng lupa. Never po namin sa legal profession napag-usapan na may nakakalulang legitimate na Tallano estate, na natural magiging point of interest ng maraming abugado. Doon pa lamang, sa kahit sinong may unawa sa sistema ng pagpapatitulo ng lupa, ay pagtatawanan na ang fake video na ito.
7) Kung totoo pong mayroong isang pamilyang royalty na Tallano family, na nagkaroon daw po ng kaharian na tinatawag na Maharlika, at ang land holdings ay buong Pilipinas, hindi po maaaring kaligtaan ng mga historians natin ang pamilyang iyan. Ngunit ni katiting na kwento o banggit sa “Tallano” family, o “Maharlika”, ay hindi mo maaaninag sa mga sulat ng mga historians. Ito po ang nailista ng batikang historian na si Prof. Xiao Chuao, at ni-report ng Rappler na mga sinulat tungkol sa ancient history ng Pilipinas, na kung mabigat na pamilya nga ang mga Tallano, ay wala namang reference sa kanila:
a) 55-volume Blair and Robertson collection of primary source documents on the Philippines from the year 1493-1898, ibig sabihin po lahat ng nakita nilang dokumento ukol sa nakaraan natin. Wala pong nabanggit ukol sa Tallano family o Maharlika.
b) Sa 4-volume work ni William Henry Scott, na ang titulo ay “Looking for the Pre-Hispanic Filipino,” hindi rin po nabanggit ang pamilyang Tallano o ang Maharlika.
c) Sa officially approved ni Pangulong Ferdinand Marcos na history book natin, na ang titulo ay “Tadhana: The History of the Filipino People”, wala rin po.
8) Si Prof. Ambeth Ocampo po na isa ring batikang historian, ay ni-report ng Rappler na nagsabing wala ni kaunting banggit sa mga diaries ni Ferdinand Marcos, ang tungkol sa Tallano family, o anumang kasong hinawakan niya para sa kanila. Ganun din po, wala ni katiting na binabanggit tungkol sa kanila sa iba’t ibang biographies ni President Marcos.
9) Ang Korte Suprema po ay nagsabi na, noong 2003, na wala ni isang ebidensya na ipinakita ang mga Marcos na may kliyente ang dating Pangulo na pagkukuhanan niya ng legal fees. Wala ring dokumentong ipinakita ng kanilang ari-arian na lupa o ano pa mang asset para sabihing malaki at legal ang yaman na pinanghahawakan nila.
10) Mukhang kasama po ito ng isang massive landgrabbing scam. Ito po ang lumalabas sa mga peryodiko:
a) Noong 2002, pinigil ng Court of Appeals ang pagpapatupad ng order ng isang RTC judge sa Pasay na nagdedeklara na valid ang mga titulo ng isang Julian Tallano na sumasakop sa buong Pilipinas, kasama na ang Sabah at Kalayaan. Hundreds of millions of hectares of land ang kine-claim ni Julian Tallano. Mukhang sobrang palinghado ang RTC judge na iyon ano po? Tama po, sabi nga ng Court of Appeals: “sheer area covered constitutes more than conclusive evidence regarding the spurious character of said titles…”
b) Noong 2015, na-charge ang isang Julian Tallano na tinatawag ang sarili niyang “Prince of the Philippines” sa isang massive faking ng malalaking lupa, mula sa Pasay hanggang sa Trinoma. Nasabi na po ni Judge Enrique Agana, na itong si Julian Tallano ay kasama ng isang malaking sindikato ng mga namemeke ng titulo, nang-haharass ng property owners, at nagnanakaw ng mga court records. Ito po ang link sa news article na iyon.
c) Parehong desisyon ng korte ay halos pagtawanan ang pagtawag ni Julian Tallano ng sarili niya na Prince of the Philippines, descendant of Lapu-Lapu and Rajah Soliman.
Sa lahat po ng naniniwala na ang Tallano family ang nagmamay-ari ng Pilipinas, nagbabayad ba kayo sa kanila ng renta?
Ito po ang mga links para mabasa niyo pa nang husto: