PAHAYAG SA ARAW NG MGA PAMBANSANG BAYANI

By Maria Lourdes Sereno

Maria Lourdes Sereno
Alam nating lahat na kailangang kailangan ngayon ng bayani sa Pilipinas. Naririto na tayo sa punto na ang ilan nating mga kabataan ay nagsisimula nang hindi mahiya na sabihing ayaw na nilang maging Pinoy; at kung meron lang oportunidad, tatakas na daw sila sa bayang ito at tatalikuran ang kanilang identity. Kay tagal nating pinaghirapan na ipagmalaki ang sarili natin sa mundo bilang mga Pilipino. First class brains and talent, at world class creativity and personality. Ngunit, totoo nga bang dumating na tayo sa pagkakalugmok sa kawalan ng pag-asa? Maibabalik pa ba natin ang ating tiwala sa sarili? Sukdulan na nga ba nating binigo ang ating mga kabataan?
 
Mga kabataan, ang mga nakikita ninyo ngayon na sinasapublikong masasamang pag-uugali ng mga pulitiko at ng ibang nasa-pwesto ay hindi representante ng kabuuan ng lahing Pilipino. Kung ang nakikita ninyo ngayon sa marami sa pamunuan ay animo’y mga asong nakatiklop ang buntot, na hindi mawari kung kakahol at makikipaglaban sa kaaway o kakaripas na lamang sa takot, hindi iyan ang tikas ng lahing pinagmulan ninyo.
 
Ang lahing Pilipino ay lahi ng magigiting. Noong nagplaplano ang mga Katipunero na mag-alsa sa mga Kastila, ang mga batang-batang pinuno nila, gaya nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Heneral Luna, ay hindi nagpadaig sa takot. Alam nilang kulang ang armas nila at wala silang tunay na hukbong sandatahan, ngunit malinaw sa kanila ang mga sangkap upang magtagumpay: pagmamahal sa Diyos, sa bayan at sa kapwa; talino at pagpupursigi; at tapang na kayang hamakin ang kamatayan. Pagkat ang Pilipinong bayani ay naniniwala sa katotohanang binahagi ni Kristo: na matatagpuan ang kahulugan ng buhay sa pag-aalay ng sarili sa kapwa.
 

Kung hindi ‘nyo nakikita ang ganitong pagsasakripisyo sa mga namumuno ngayon, huwag kayong panghinaan ng loob. Sa halip, tingnan ang panahong ito bilang oportunidad na sariwain kung paano nga ba hinuhubog ang mga bayaning Pilipino. Ang iyong ideyalismo sa murang edad ay magandang simula upang mangarap ng magandang bukas para sa bayan. Kung handa kang ibigay ang dunong at lakas mo upang ibangon ang bayan at kapwa, halina–huwag mag-atubili at pag-aralan kung paano maitataguyod muli ang ating mga demokratikong institusyon. Kung handa kang ipatupad ang mga minimithi mong pagbabago sa lipunan, lalo na sa pamamahala sa gobyerno, tibayan mo ang iyong dibdib, makisalamuha sa usaping panlipunan, hanapin ang mga pusong kapwa makabayan, magpunla ng mabubuting gawain sa lipunan, at huwag kang bibitiw sa iyong mga pangarap.

Ang kasakiman, pagsisinungaling at pang-aapi ay hindi itinuro sa atin ng ating mga ninuno. Tandaan kung sino ang mga taksil sa ating lahi. Huwag tumulad at sumama sa mga makasarili. Sa halip, pigilan ang paglaganap ng kanilang kapangyarihan sa lipunan. Kung linoko na tayo minsan, huwag nang muli pang magpaloko. At higit sa lahat, gaya ng ating mga ninuno, ialay ang puso at buhay sa pagmamahal sa Diyos at Bayan.
 

Huwag kalimutan kung sino ka. Kabataang Pilipino. Magiting, matuwid, makabayan, maka-Diyos. Nananalantay sa dugo mo ang lahi ng mga bayani.

SHARE