MGA SIMPLENG Q & A UKOL SA PONDO AT ASSETS NG BAYAN

(as of Oct 17, 2021, to be updated from time to time)

By Maria Lourdes Sereno

Philippine History

1. Saan po nanggagaling ang pondo o ari-arian ng bayan?

  • Sa pag-aari nito ng natural resources;
  • Sa buwis ng lahat ng kumikita sa Pilipinas at mga citizens nila, kahit nasa abroad;
  • Sa mga revenues, profits, fees o income na puedeng singilin o pagtubuan ng gobyerno;
  • Sa mga lehitimong donasyon dito.

 

2. Maari bang angkinin ng sinumang tao ang ari-arian ng gobyerno:

Hindi po, unless papasok sila sa ganitong kategorya:

  • Kung sinabi sa batas, na ibibigay ang ari-arian ayun sa mga patakarang inilatag, gaya ng mga public agricultural lands;
  • Ang mga kinilala na ng estado na pribadong lupa, gaya ng mga naipasa na sa salinlahi;
  • Ancestral lands na nasakop na ng isang tribu “since time immemorial”;
  • Mga private rights na kinilala ng korte;
  • Mga rights to concessions, etc na binigay ng gobyerno;
  • Atbp na kinikilala sa iba’t ibang batas.

 

3. Maaari bang paghaluin ang private money at public money?

Hindi po. Ang public funds ay “trust”, ibig sabihin po, hindi maaaring itrato na pondo ng kahit sinong opisyales na puede niyang galawin.

4. Eh yung mga rights to give concessions atbp na mga economic privileges, puede bang itrato ng government official na sa kanyang private discretion lang iyon?

Hindi po, bawal na bawal. Basic po na public office is a public trust (Article XI, section 1). Hindi po puedeng gamitin ang public office upang iangat ang private interest ng isang public official.

5. Pwede po bang mag-donate ang public official sa gobyerno?

Opo, kahit sino, pwedeng mag-donate. At kailangan po lahat may documentation. Hindi po puedeng sabi-sabi lang. Kasi lahat ng property, pondo at ahensya ng gobyerno, may libro ng assets. Kung ang donasyon ay hindi naka-dokumento, at walang document of acceptance from government, absolutely fake news po ito.

6. Nabago ba ang ganyang rules nung Martial Law?

Hindi po. Ganyan din ang rules kahit simula pa ng umupo sa pagka-pangulo si Ferdinand Marcos hanggang ngayon.

7. Maaari bang kilalanin ng batas ang tunay na yaman ng isang government official? Halimbawa hindi po ito nailagay sa SALN.

Opo, sa anumang proceedings, civil, administrative o criminal, mayroong oportunidad na ipakita ang origin nito.

8. Ano po ang sinasabing napakalaking lehitimong yaman daw ng mga Marcos?

Wala po silang naipakitang source sa kahit anong korte, ng lehitimong source ng income nila, bukod sa salaries nila at ang na-declare nilang net worth in 1965 na PhP 120,000. Ang mga joint income tax returns nila for 20 years since Marcos became President, panay walang linagay na specific source of income. Sa law office income, figures lang, wala ni konting identification, sinong kliyente, etc. Sinabi pa ng Supreme Court, kilala na walang law office si Pangulong Marcos. At bawal ang any professional income for him simula ng siya ay naging presidente. At yung mga claimed nila na other or miscellaneous income, panay figures lang, ni isang source hindi na-identify. At kahit pa ipagsama-sama lahat ng deklarasyon nila, malayo ito sa hundreds of millions of dollars na natagpuan sa isang batch of assets called the 5 Swiss accounts.

9. Kaya ba na-forfeit ang mga ibang assets ng mga Marcos ay dahil hindi nila napatunayan na lehitimo ang mga ito?

Opo, yan ang malinaw na sinabi ng unanimous Supreme Court decision noong 2003.

10. Para ba saan iyang Anti-Illegal Wealth Law (R.A. 1379) na ipinagbabawal sa mga government officials ang pag-ipon ng yaman na hindi galing sa lehitimong origin?

Para po sa proteksyon ng taumbayan. Kinikilala ng batas na napakadaling yumaman ang government officials sa pang-aabuso ng kanilang kapangyarihan, kaya’t gumawa sila ng weapon para sa taumbayan. Hindi mo maipaliwanag ang wealth mo, government official ka, confiscate yan at i-dedeclare na ill-gotten.

11. Hindi ba napakalupit niyang batas na yan sa government officials?

Hindi po, tama lang. May sweldo naman sila lahat, dapat makuntento sila sa lehitimong sueldo at yaman. Napakalaking kapangyarihan ang pinapahihiram natin sa government officials. Kaya dapat bantayan na huwag silang makapang-abuso ng kapangyarihan na iyon. Tama lang po na ang hindi maipaliwanag na yaman, ay ma-kumpiska.

12. Meron pa bang kailangang bawiin?

Sabi po ng PCGG sa latest budget hearing nitong nakaraang buwan, mayroon pang PhP 125 billion na hahabulin.

13. Magkano na ba ang nabawi at saan na napunta ang mga ito?

Per PCGG’s report, PhP 174 billion na ang nabawi. Napunta ito largely sa Comprehensive Agrarian Reform Program.

14. Ang PCGG ay gawa ni Cory, mapagkakatiwalaan ba iyan?

Ang PCGG Commissioners po ngayon ay pawang appointees ni Pangulong Duterte. May tatlong non-Aquino presidents rin na nag-appoint ng kanilang Commissioners, sina Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Arroyo. In fact, tinuligsa ni Sen. Imee Marcos ang PCGG noong panahon ni P. Gloria Arroyo. Pinaliwanag ni Pangulong Arroyo na sa agrarian reform napupunta ang nabawing nakaw na yaman.

15. Sa buong kasaysayan ng Pilipinas, mayroon bang ganitong kalaking anomalya na nangyari, kung saan hundreds of billions na ang nakaw na yaman na na-recover?

Wala po. Hindi lang po natin alam ang mangyayari sa present investigations na nangyayari sa Senado.

16. Bakit po parang hindi alam itong mga bagay na ito ng taumbayan?

Kumpleto naman po ang reports at ang mga ito, kasama ng mga desisyon ng korte, ay mahahanap ng taumbayan. Maaari pong hindi lang napansin o nailatag sa payak na paraan.

17. Bakit mo pinag-aaksayan ng panahon ito?

Bilang isang Kristiyano, nagmamahal sa batas, dating hukom, at ina/lola, kailangan kong ibahagi ang anumang ambag na kaya ko para sa katotohanan at tamang paglalatag ng kasaysayan. Kung hindi, magiging normal na lamang sa paningin ng ating salinlahi  ang pangungupit, maging ang malakihang pagnanakaw sa bayan. 

SHARE