LAHAT NAMAN DAW NG PULITIKO AY CORRUPT
By Maria Lourdes Sereno
LAHAT NAMAN DAW NG PULITIKO AY CORRUPT, KAYA HUWAG NANG I-RAISE ANG ISYU NA ‘YAN, BASTA KUNG SINO NA LANG ANG PINAKAMALAKAS ANG SUPORTA NG BAYAN.
Nakakakilabot po, pero merong mga Kristiyano na yan ang argumento. Ayaw nilang pag-usapan ang standard ng Bibliya, at mamili ayon sa alituntunin ng Diyos. Ang gusto nila ay makiagos na lang kung ano ang takbo ng mundo.
Ang essence ng pagiging Kristiyano ay ang pagsalungat sa agos ng mundo.
Kung ang mundo ng tradisyonal na pulitika ay sinasabing pera at popularidad ang dapat sundan sa pagpili ng susuportahang kandidato, kabaligtaran nyan ang sa Kristiyano. Sa alagad ni Kristo, ang pinanghahawakan ay ang Salita ng Diyos, panalangin, at pananampalataya sa lahat ng pangako Niya, lalo na sa mga naninindigan sa tama.
Kaya hindi pangunahing usapin ang surveys at pera sa labanang kalulugdan ng Diyos, kundi prinsipyo at programang ayon sa Kanyang tuntunin.
Paano mo makikilala ang isang tunay na mananampalataya?
Yung kayang itaya ang lahat sa pagiging consistent ng Diyos sa character Niya. Yung kayang maniwala na ang kabutihan ng Diyos ang mananaig laban sa kasamaan. Yung hindi kayang tiisin ang pang-aaping ginagawa sa kanyang kapwa at hihingi ng dunong at kalakasan sa Diyos upang labanan ito. Yung kinagigiliwan ang ideya na gaya ni Kristo, ang magmahal sa Diyos Ama ay ang pagtataya ng sarili para sa kapwa.