KAYA PA BANG MAGBUKLOD NG KAPATIRANG NAGKAWATAK-WATAK NA?

By Maria Lourdes Sereno

Integral Faith
Illustrated by Kelly

Sa aklat ng Ephesians, kabanata apat (Ephesians 4), hinihikayat ni Pablo na magkaroon ng pagkakaisa ang mga tagasunod ng Panginoong Hesukristo.  Kung kaya naman, itinalaga niya ang iba’t ibang gampaning papel ng mga miyembro ng  Katawan ni Kristo.

Ngunit may malinaw na katuruan ang Bibliya tungkol sa mga identified leaders o iyong mga natutukoy na mga pinuno, at ito ang ilan sa mga iyon:

  1. Si Hesukristo lamang at hindi si “Emperor Caesar” (kumakatawan sa lahat ng uri ng mga namumuno sa buong mundo) ang tinitingala at sinasamba bilang kanilang Panginoon (1 Tim. 6:15; Rev. 1:5; 17:4; 19:11-16);
  2. Na ang mga pinuno ay tapat sa Diyos at hindi nakikiayon sa takbo ng mundo, na ang ibig din sabihin nito ay ang intensyonal na pag-iwas at pakikipaglaban sa mga maka-mundong hulma ng pag-iisip at gawain (Romans 12:1-2);
  3. Lagi silang mag-aaral gaya ng mga “noble Bereans” (Acts 17:11) at lagi silang magbababad sa Salita ng Diyos at hindi aasa sa iilang sikat na passages na parang “straight formula”, sapagkat nais nilang araw-araw, nababago ang kanilang pag-iisip at kalooban o pagkatao (John 8:31-32; Rom. 12:1-2; 2 Tim. 3:16-17; Heb. 4:12);
  4. Hahanapin nila ang “whole counsel of God” o ang kumpletong kalooban at rebelasyon ng Panginoon at hindi yaong walang balanseng pananaw sa scriptures, sa history at current events (Acts 20:27);
  5. Lalabanan nila nang buong lakas ang matuksong muli sa mga idolatry at ito ay hindi lamang pagsamba sa mga physical idols gaya ng mga gawang-tao na mga santo o imahe, kundi pati na ang idolatry o lubos na pagtatangi sa mga politicians, celebrities, the wealthy and the famous; ang idolatry ng pamilya, mga anak, best friends at sarili; at ang idolatry ng accomplishments at trabaho (Rom. 1:18-24; 1 Thess. 1:9; Col. 3:5);
  6. Ang pamantayan lamang o ang standards ng Diyos ang itataguyod nila at doon nila susukatin o titimbangin ang lahat ng bagay (Col. 1:15-23; 1 Thess. 2:12; 2 Thess. 1:5; Heb. 12:28).

 

Kung ganyan po ang mindset ng mga tagasunod ni Kristo, ang mga isyu o ang mga bagay-bagay na pinagmumulan ng hidwaan ay mababawasan sa magkakapatid, gaya ng mga salungatang ito:

  1. Kung si Pangulong Duterte, Pangulong Marcos o si Pangulong Cory at PNoy Aquino ang binabansagang “best president ever”;
  2. Kung ok ba ang EJKs ng mga drug addicts (malaki pa rin ang porsiyento ng mga sumusuporta dito kaya’t mukhang isyu pa rin ito para sa iba), at kung si Pangulong Duterte at ang mga kapulisan ba ang responsable dito;
  3. Kung ok ba ang death penalty, at kung pwede ito sa iba’t-ibang kriminalidad;
  4. Kung ok ba ang paghuli ng mga kritiko, mga maka-kaliwa o kaya yung sympathizers ng NPA; at
  5. Kung ok ba ang approach ng pamahalaan sa COVID 19 pandemic.

 

Sa kasaysayan ng Kristiyanismo, hindi naman iisa lang ang pananaw ng kapatiran sa lahat ng mga isyu. Ngunit kung nagkakasundo ang lahat na tanging ang Salita ng Diyos lamang ang susundin nila, mababawasan ang ganitong mga hidwaan at sa halip ay magbubunga ng ganito:

  1. Si Pablo at si Barnabas ay di-nagkasundo dahil kay Mark, ngunit kinalaunan ay nagkabati rin ang dating magkakasama (Acts 15:36-41; 2 Tim. 4:11);
  2. Maraming church leaders ang nagalit kay William Wilberforce at kay Charles Spurgeon noon 18th at 19th century dahil sa pagpasimuno nila ng kampanya laban sa African Slave Trade sa buong British Empire at gayundin sa Amerika. Ito ay isang kampanya na nagbigay katapusan sa 18 taon ng slave trade sa British Empire, na pinagbunyi naman bilang isang act of “Christian righteousness” (Gal. 3:28);
  3. Ang mga dating mentors ni Bishop Desmund Tutu na Dutch Reformed Church leaders ay kinalaban niya dahil sa pagtanggol nila ng apartheid o diskriminasyon sa South Africa. Kasabay ng pasasalamat ni Tutu sa kanila sa pagtuturo ng Bibliya, sa larangan ng edukasyon at sa mga ospital na kanilang itinaguyod (1966 to 1990), nagtagumpay si Bishop Tutu na iangat ang mga katutubong itim sa tamang antas sa kanilang sariling lupain.

 

Nakatunggali nina William Wilberforce, Charles Spurgeon at Desmond Tutu ang mga ibang church leaders noon dahil sa paniniwala nila na bawat tao ay ginawa sa wangis ng Diyos (Gen. 1:26-27). Si William Wilberforce ay naging parliamentarian (assemblyman) sa Inglatera, si Charles Spurgeon ang pinakasikat na preacher sa 10,000-seat Metropolitan Church ng London, at si Bishop Desmond Tutu naman ang pinakamataas na black Anglican bishop sa South Africa.

At dahil bawat tao ay mahalaga, kailangang ipaglaban ang kanilang buhay at dignidad.

Sa tingin nila, hindi dapat ginagawang kalakal o slave ang tao kahit na ibang lahi pa sila (sa British Empire at Amerika) o kaya naman ay hindi dapat second-class citizens ang mga katutubong itim sa South Africa, samantalang first-class ang mga puting mananakop. Sa kanilang pananaw, hindi dapat sumuko sa Estado o kahit sa sariling kasamahan sa simbahan kung ito ay lalabag sa implikasyon ng pagkagawa ng Diyos na pantay-pantay ang tao. Ibig sabihin, higit sa kulay ng balat, pinanggalingan o economic status, ang pagka-eternal ng kaluluwa ng tao ay kailangang laging iangat, walang taong patapon sa mata ng Diyos, kaya’t ganoon din dapat ang trato ng batas at Estado sa bawat mamamayan tao.

Mapapadali ang pagbubuklod ng kapatiran sa Panginoon kung isasaalang-alang si Hesuskristo bilang Tagapagligtas at Panginoon higit kaninuman at anupaman sa mundo. Kung sukdulan ang naging pagdurusa ni Hesus dahil sa kanyang sukdulang pagmamahal sa bawat tao, gayon din dapat ang tingin ng bawat mananampalataya sa isa’t isa, at sa lahat ng nilalang–bawat isa ay mahalaga. Masusukat ang pagpapahalaga natin kay Hesus sa Salita ng Diyos:

  1. Halimbawa, maaari kaya nating pag-usapan kung bakit kahit malinaw sa Bibliya na bawal pumatay ng inosente o ng walang katarungan, ang iba sa atin ay ipinagbubunyi ang kamatayan ng libu-libong kapwa-tao? Ang animo’y kalupitan na bumabalot sa pagtrato ng Estado sa mga nasa drug lists ay nakapangingilabot, at lumuluha ang iba sa atin sa pagdanak ng dugo at ang takot sa nagbabantang karampatang sumpa mula sa Diyos–paano natin ma-rereconcile o ipagkakasundo ang ang weeping ng iba sa cheering ng mga kapatid natin? Pwede ba natin itong pag-usapan?
  2. Kailangan bang mag-bansag kaagad ng “best president ever” samantalang hindi pa tapos ang hatol ng kasaysayan, at kung titingnan naman natin sa Bibliya ay parang lumalayo tayo sa mga hinahanap ng Diyos sa isang lipunan–walang “shedding of innocent blood”, walang corruption, walang injustice lalo na laban sa mahihirap? Bakit animo’y nasa “campaign mode” pa rin ang ilang mga kapatiran?
  3. Kailangan bang nagkakampi-kampihan ang mga Kristiyano sa mga politiko? Hindi ba maaaring balanse ang tingin natin sa mga ito–mahihina rin sila kagaya ng lahat ng tao at tanging ang Espiritu Santo lamang ang kayang magpatuwid sa kanila–kaya’t puspos na dasal at napapanahong paalala o rebuke ang kailangan nila upang huwag kailanman malalayo ang bansa sa tamang landas.

 

Nawa’y gawin nating prayer items ang mga ito. At nawa’y simulan nating pag-usapan ito sa mga pamilya, barkada, small group gatherings at sa ating mga churches. Upang simulan na ang reconciliation sa magkakapatid, aminin ang mga naging kahinaan na nagdulot ng hidwaan, at manumpa na hindi na ibabaling ang puso sa tao kundi sa Diyos lamang, na Dakilang Lumikha.

SHARE