ISANG STRATEGY NG MGA DIKTADOR
By Maria Lourdes Sereno
Kagaya sa isang abusive na relasyon, kino-combine ng abuser ang psychological tactics upang mawalan ng kumpiyansa ang biktima sa sarili niya. Ang tawag dito ay “GASLIGHTING”. Galing ito sa isang 1944 movie na ang title ay “GASLIGHT.”
Simple lang ang plot ng movie. Ang new husband ng isang famous opera singer, played by Ingrid Bergman, ay gumagawa ng lahat ng hakbang upang isipin ng character ni Bergman, na nababaliw na siya. Maraming hokus-pokus, panlilinlang, at sleight-of-hand upang akalain ng character ni Bergman na hindi na niya ma-grasp ang reality. Isang trick na ginawa ng mister kay misis ay sabihing guni-guni lamang ni Misis yung panghihina ng ilaw ng gasera nila. Iyun pala, talagang hinihinaan ni mister ang gasera. Pumatok ng husto ang movie na ito. Ang motibo pala ni mister ay upang pagnakawan ng family jewelries ang bago niyang asawa.
Nagdulot ito ng medical term na “psychological gaslighting”.
Kinalaunan, upang i-describe ang manlolokong pulitiko ay nagkaroon ng term na “political gaslighting.” Ginamit ang gaslighting ng rehimen ni Adolf Hitler. Ito ang strategy ng lahat ng diktador upang yanigin ang kumpiyansa sa sarili ng taumbayan.
Ang gaslighting para sa akin, ay ang pagpapahina ng aggressor sa kumpiyansa ng biktima, upang akalain ng biktima na hindi na niya kayang panghawakan ang realidad at tuluyan nang sumuko sa manipulasyon ng aggressor.
Ang taumbayang Pilipino, kapag minumura, pinapatahimik, tinatakot, sinasaktan, at pinapatay, ay gina-gaslight din upang mawalan ng kumpiyansa sa sarili. At upang sumuko sa isang taong nagsasabing siya lang ang magaling.
Kabaligtaran po iyan sa sinasabi sa atin ng Diyos–na tayo ay ginawa sa Kaniyang imahe, with all intelligence, love and creativity (Genesis 1:26-27, Psalm 8:5). At baligtad din sa sinasabing tayo ang Sovereign Filipino People (Preamble) at walang hari na niluklok upang gapiin ang ating kunsyensya.
Ang kalayaan natin, ang ating dignidad, at ang ating moralidad upang makilala ang tama at mali, ay biyaya ng Diyos na dapat nating pinagkakaingatan. Hindi po ito maaaring isuko sa GASLIGHTING.
Basahin niyo po ang mga links na ito upang mas lumalim ang kaunawaan:
https://en.m.wikipedia.org/wiki/Gaslight_(1944_film)