ISANG KOMENTARYO: Ang Hudikatura, Bibliya at ang Sovereign Filipino People sa Araw ng SONA 2022
By Sofia Eirene
Sa isang pambihirang pagkakataon, naimbitahan sa panayam ng Far East Broadcasting Company (FEBC) Radio, ang dating Chief Justice ng Korte Suprema, Maria Lourdes Sereno, na humarap sa mabibigat at kontrobersiyal na mga isyu at katanungan tungkol sa Extra Judicial Killing (EJK), International Criminal Court (ICC), Presidential Commission on Good Government (PCGG), mga Inhustisya sa panahon ng Martial Law, at ang mga inaasahang reporma sa larangan ng Hudikatura sa bansa na dapat bigyang pansin ng bagong halal na Pangulong Bongbong Marcos, sa kanyang Sona 2022.
Habang ako’y nanonood sa live broadcast ng isang Kristiyanong istasyon sa radyo, hindi ko maiwasang mapaisip sa panayam na ito ni Ginoong Dan Andrew Cura ng FEBC Radio sa dating Chief Justice ng Korte Suprema, Ma. Lourdes Sereno. Bilang isang simpleng mamamayan na kabilang sa makabagong henerasyon, ako ay tunay na humanga sa lakas at tibay ng pananampalataya at prinsipyo ng dating Chief Justice Sereno, at kung paanong ang rebelasyon ng Diyos sa kanya ay napakalinaw at tanging siya lamang sa matataas na hukom ang may malakas na “conviction” at pag-aksyon upang ang kalooban ng Diyos para sa bayan ay kanyang maiparating at maiparamdam sa mga Pilipino gayundin sa mga dayuhan na nakakapansin nito.
Ang kanyang pagtindig laban sa kawalan ng hustisya at pagsusulong sa katuwiran at katarungan habang napapanatili ang kanyang mataas na integridad ay maituturing na malinaw na pagkilos ng Banal na Espiritu sa kanyang buhay. Kaya’t may ilang mga katanungan ako para sa mga kapwa ko Kristiyanong Pilipino: Sino ang magsasabi na ang mga ipinaglalaban ni CJ Sereno ay taliwas sa nais ng Panginoon para sa mga Pilipino? Siya ba ang pumatay sa walang kalaban-laban at maaaring inosenteng mga sibilyan sa panahon ng “War on Drugs”? Siya ba ang nanguna upang magbunyi sa EJK at palakpakan ang pamamaraan ng dating pangulong Rodrigo Duterte? Siya ba ang nagpauso para balewalain at kalimutan ang kasaysayan ng mga pang-aabuso, walang awang pagpatay, at lantarang korapsyon sa panahon ng Rehimeng Marcos? Kung hindi, bakit hindi mo nakikita kung sino ang dapat na managot? Bakit hindi mo matukoy kung sino ang tunay na may sala at yaong mga gumagawa ng katiwalian? Bakit hindi natin nakikita ang magandang balita sa kanyang buhay bilang isa sa pinakamataas na opisyales ng bansang ito?
Bakit hanggang ngayon, hindi mo nakikilala kung sino ka bilang bahagi ng Sovereign Filipino People at kung gaano kahalaga ang gampanin sa lipunan ng bawat isa? Bakit hanggang ngayon hindi mo nakikita kung sino ang malalakas ang kapangyarihan at tunay na nang-aapi sa ating lahi? Bakit hindi mo makita na ikaw ay image-bearer (moral, spiritual, and intellectual essence) ng Diyos at sa tulong ng Banal na Espiritu ay kaya mong mangarap at magtaguyod ng just and humane society?
Kahit sino ang iyong ibinoto, nanalo man o natalo, lahat tayo ay dapat na nakatingin sa Panginoong Diyos. Sana ay ating maintindihan na ang Konstitusyon ay naghahangad ng “godly goals” at dapat lamang na atin itong suportahan nang husto. Hindi ito laruan na kapag nasira ay dapat nang itapon o palitan. Ito ay regalo ng Panginoong Diyos sa ating mga Pilipino. Malinaw na makikita ang paggabay ng Diyos sa balangkas ng ating Konstitusyon. Hindi ba dapat ay atin munang suriin at solusyunan ang pinakaugat ng mga suliraning pambansa bago natin pag-initan o palitan ang Konstitusyon?
Ayon pa sa dating Chief Justice, kung pagbabatayan natin ang simula ng mga pagbabago sa Bibliya, ang mabubuting pinuno ay nagsisimula sa “repentance” o pagsisisi. Pagsisisi at pagtangis para sa awa at kapatawaran ng Diyos. Kadalasan, ang hari sa Bibliya ang unang humihingi ng kapatawaran. Kung walang kasalanan si Marcos Jr. sa mga pang-aabuso, inhustisya at patayan noong Martial Law, napakagandang pangunahan niya ang mga Pilipino patungo sa repentance at healing upang ating matanggap ang Shalom o ang makapangyarihang pagpapala ng Panginoon. Mahalaga din na bilang pinuno sya ay maging role model at itama ang mga maling nagawa upang ipakita ang respeto sa bayan at sa konstitusyon. Idinagdag pa ni CJ Sereno na importante rin na ituro sa mga paaralan ang Hustisya dahil ito ay kinalulugdan ng Diyos.
Kung tayo ay makikinig lamang, ating mapagtatanto na ang pagkakaroon ng kaalaman ay nagbubunga ng kaligtasan at proteksyon ng sambayanan. Sa halip na galit o panibugho ang ating binibigyang puwang sa ating mga puso, bakit hindi natin simulang namnamin ang peace at joy sa ating buhay? Subukan nating mag-repent bilang isang bayan at ipagkatiwala sa Panginoon ang mga bagay na hindi natin kayang kontrolin. Ipanalangin natin na nawa ay makita ng bawat Pilipino ang magandang plano at kalooban ng Diyos para sa Kanyang bayan.