HUWAG TUMIGIL ARAW-ARAW, PALAKIHIN ANG GALAWANG TAUMBAYAN, IDALANGIN NA PANGUNAHAN ITO NG DIYOS NG KATARUNGAN

By Maria Lourdes Sereno

PULITIKO

Ang Mayo 9, 2022 ay isang napakahalagang petsa. Ngunit ang mas mahalaga ay ang araw-araw nating desisyon na lumaban para sa bayan. Kung hindi tayo lalaban ngayon, sa araw-araw, walang laban ang bayan sa Mayo 9.

At ang paglaban natin sa araw-araw ay hindi lamang para sa mga boto na ilalagak sa Mayo 9, kundi para na rin sa magiging kundisyon ng bayan natin matapos ang araw na iyon.

Kung ang pwersa ng taumbayan ay lalalim, lalawak at mas nararamdaman, ang lahat—at inuulit ko, ang lahat—ng plano ng makasariling pulitiko ay makatatagpo ng malakas na pushback mula sa taumbayan. Nakita po natin ang resulta ng pushback na ito sa presscon kahapon. Completely rejected ng taumbayan ang anumang tunog-makasarili na mga pulitiko.

Ang isang kasalukuyang balakid sa higit na pagbubuklod ng taumbayan ay ang pagkakagapos sa kanila ng fake news at massive disinformation. Pati ang kakulangan ng katuruan kung ano ang identity ng bawat Pilipino, sa mata ng Diyos at ng Konstitusyon.

Ang maaaring makalusaw sa kapangyarihan ng fake news at disinformation ay ang pagbaha ng Good News—na maganda ang plano ng Diyos para sa ating bayan at para sa bawat Pilipino. Ito ay ang pagbuo ng “just and humane society” o isang makatarungan at makataong lipunan ayon sa Konstitusyon. Kakambal ito ng imbitasyon Niya ng buhay kay Kristo—buhay na puno ng pag-ibig, kalayaan sa pagkagapi sa kasalanan, at fellowship with God for now and all eternity. Ang bunga ng buhay kay Kristo, kung ibinababad sa katuruan ng Bibliya, ay inevitably aapaw ng kabutihan na dadaloy sa pagbubuo ng isang lipunang mapagmahal at mapagkalinga. Opposite sa Kristiyanismo ang pagkampi sa pang-aabuso ng kapangyarihan, pagsisinungaling, pagpatay ng walang katarungan, pagnanakaw at pagtanggi isauli ang bunga ng nakaw. Wala ni kaunting idadagdag sa Kaharian ng Diyos ang paghanga sa mga pulitikong mapanlinlang.

Kaya Good News na kasama pala ng Kristyanismo ang pakikipaglaban sa fake news. Bahain ang lipunan ng katotohanan at pagmasdan niyo ang pagkalusaw ng tanikala ng fake news machinery na higit sa dalawang dekada nang gumagalaw sa ating bansa.

Ang pagbaha ng Good News ay hindi lamang sa socmed, dapat din sa tradmed at sa tao sa tao, kapwa sa kapwa, puso sa puso na pakikipag-ugnayan. Huwag mahiya o mangimi na bukod sa mga konkretong plano kung paano tayo aangat bilang bayan, ay ilahad ang plano ng Diyos para sa Pilipinas. Na ang pag-aalay ni Kristo ng buong pagmamahal ng Kaniyang buhay para sa kabutihan ng lahat, ay ang modelo ng pagsisilbi sa kapwa. Na ang bawat public servant, lalo na ang mga aplikante sa papel ng public servants—lahat ng political candidates ngayon—ay dapat magpakita ng katangian gaya ng kay Jesus. Kung saan hindi pag-angat ng yaman, kapangyarihan o estado sa buhay ng kamag-anakan ang motibo, kundi ang gantimpala ng pag-aalay ng buhay sa kapwa.

Hindi hiwalay ang pulitika sa pananampalataya. Ang buod ng pulitika ay ang pagsisilbi sa bayan. Dinungisan lamang ito ng mga mapag-imbot na pamilya at indibidwal. Ibalik natin ito sa orihinal na disenyo ayon sa Konstitusyon at sa Bibliya.

Ayon sa preyambulo ng Konstitusyon at sa Bibliya, ang gobyerno ay nabubuhay “to promote the common good.”

Ang “common good” na dapat ipalaganap ng gobyerno ayon sa Bibliya ay ang awtoridad nito na parusahan ang kasamaan at purihin ang kabutihan (1 Peter 2:14). Sa demokratikong bansa gaya ng Pilipinas, ang supreme authority ay ang Sovereign Filipino People. Tayo bilang isang kolektiba ang equivalent ng emperador sa panahon ng apostoles na Pedro at Pablo. At bilang supreme authority, katungkulan nating lumaban upang ang gobyerno ay tunay na nagpapalaganap ng “common good.” At ang pakikipaglaban natin ay pakikisalamuha upang palakasin ang mabuting pulitika sa bansa.

Halina, lumaban araw-araw para makabuo ng taumbayan na tunay na Sovereign Filipino People, na titiyakin na ang gobyerno, lalo na ang matataas na opisyales nito, ay naririyan lamang upang magsilbi “to promote the common good.”

Araw-araw, magdasal, kumilos, makipag-usap, iproklama ang katotohanan, para sa Diyos at bayan. Para sa kinabukasan.

SHARE