GALIT KA? Kanino at Bakit?
Taun-taon na lang bang ganito?
By Maria Lourdes Sereno
Proud daw tayong mga Pilipino sa ating pagiging “resilient”, parang kawayan na pilit na binabali ngunit hindi mabali-bali.
Pero yung ganitong katagal at paulit-ulit na pag-angat ng “resilience” natin, parang ipinagmamalaki natin na hindi natin kayang solusyunan ang mga sitwasyon na alam nating haharapin natin ilang beses kada taon. Sa tapatang pananalita, parang celebrated kahinaan (o di kaya katangahan). Hindi kaya may latay na sa konsensya itong abusadong paggamit sa term na “resilience”?
Hindi kaya, habang nagdadasal tayo para sa Guinobatan at Daraga upang huwag matabunan ng lahar mula sa Mt. Mayon, may umuusig sa ating konsensya: “Ibinigay ko sa inyo ang pag-iingat ng kalikasan. Bakit nyo hinayaan ang quarrying at walang habas at makasariling pagpuputol ng mga punong–kahoy? Okay ba sa inyo na namamatay ang karamihan at ang iilan ay nagpapasasa sa yamang dapat ay sa bayan?”
Noong nag-pray tayo para sa coastal villages na huwag ma-tsunami, naalala po ba natin na pwede sanang nagtanim ng maraming bakawan (mangroves) para huwag masalanta ang mga bayan at huwag masira ang mga coastline?!
At noong patayu tayo nang patayo ng mga konkretong kalye at imprastraktura, hindi natin sinigurado kung may lalabasan ang mga tubig tuwing uulan at kung meron pang punong–kahoy para pigilan ang landslides.
Ang resilience natin ay virtue… Pero kapag ginawa na itong palusot, upang iwasan ang maaga at sapat na pagpa-plano kung paano masasagip ang kapwa sa kalamidad, at upang hindi na panagutin ang mga corrupt na umuubos ng pondong pansagip kasi hindi gaanong marami ang namatay, kasuklam-suklam na ang pang-aabuso ng salitang ito. Evil na ito kung pirming ini-idolo pa rin ng taumbayan ang mga political leaders na naghahari-harian at kung saan ay hindi na sila sinisingil sa kanilang pagiging mukhang-pera at makasarili.
Let us pray to our Almighty God to stop the ferocity of rains and wind, yes, but with the same faith, to bring down the corrupt and selfish immediately. Gamitin ang isip na maka-Diyos at pusong maka-tao. Tumindig tayo as the Sovereign Filipino People, and let everyone in government fulfill their oaths of office–to serve and not to be served. Hindi sila hari. Itigil na ang pagsamba sa kanila na parang mga diyos-diyosan. Iisa lang ang tunay na Diyos.