Fake News, si Sigmund Freud at ang Kristiyanong Pinoy
By Maria Lourdes Sereno
Sa isang report ng World Religions noong 2019, sinasabing 89% ng populasyon sa Pilipinas ay Kristiyano [See link # 1 below]. At ayon sa isang December 2019 survey, 83% ng mga Pilipino ang nagsasabing napakahalaga ng relihiyon para sa kanila [See link #2 below]. Kung gayon, inaasahang ang karamihan sa atin ay sumusunod sa standards o pamantayan ng Banal na Bibliya. Kung susuriin pa, sa Pilipinas ang bilang ng mga nagsisimba ay patuloy parin namang dumadami. Ang tanong, tama po ba ang ganitong expectation?
Paano kaya natin maipapaliwanag ang ganitong mga resulta ng surveys?
- Ang mga Pilipino ay tinatawag na pinaka “confidently ignorant people” in the world ayon sa isang pag-aaral, dahil bagamat sila ay pangatlo lamang sa pagkakaroon ng maling akala ukol sa basic facts ng sarili nilang bansa, sa mga ika nga “ignorant populations,” ang mga Pinoy ang pinaka-“confidently ignorant” ukol sa di nila nalalaman pagdating sa sariling bansa [See links in # 3 below];
- Bagama’t maraming OFW ang nag-eenjoy ng demokrasya sa Amerika at Western Europe, may 1/3 pa rin ng Pinoy ang open sa “authoritarianism” [See link # 4 below];
- Ayon naman sa sa isang survey ng FEU, 41% ng kabataan ang naniniwala sa summary killings “as a legitimate method of crime control” [See link # 5 below];
- Ang ating gobyerno ay isa sa may pinakamahinang pagresponde sa COVID 19 sa mga unang bahagi ng pandemya at tayo ay pumapangalawa sa may pinakamalalim na pagsisid pababa ng GDP na -7.3% growth sa Southeast Asia sa taong 2020 [See link # 6 below]; ngunit
- Sa kabila ng mga reyalidad na ito, ang public approval sa pag-handle ng gobyerno sa COVID-19 pandemic ay napakataas pa rin sa 84% [See link # 6 below].
Sa mga ganitong pagkakataon, higit kailanman, ay dito mas kailangang pumasok ang discernment o tamang pagpapasya natin bilang mga Kristiyanong Pilipino, sa katotohanan at kasinungalingan.
Paboritong bigkasin ng mga Kristiyano ang talatang: “You will know the truth, and the truth will set you free.” (John 8:32). Kalimitan, nakakaligtaang banggitin yung kundisyon sa verse 31 na nagsasabing, “If you hold on to my teaching, you are really my disciples. THEN you will know the truth …” In other words, bago natin maunawaan ang katotohanan, at bago tayo palayain nito, kailangan muna nating sumunod sa mga katuruan ni Hesus. Anu-ano nga ba ang mga relevant teachings ni Hesus na makapagpapalaya sa atin mula sa fake news? Meron bang pinagmumulang fake news ang mga survey results sa itaas?
Pangunahin sa katuruan ng Bibliya ang nature ng puso ng tao. Mapanlinlang ito (Jeremiah 17:9). At dahil mapanlinlang ito na nagsimula sa pagsuway ng ating mga unang magulang sa atas ng Diyos, naputol ang tuluy-tuloy nating pakikipag-ugnayan sa Kanya. Simula noo’y nagkagulo na at parang mga nawawalang tupa ang sangkatauhan (Isaiah 53:6). Ano nga ba ang pananaw tungkol sa katotohan sa panahon modern era?
Sa apat na dekada (1890s hanggang 1939), naging maimpluwensyang tao si Sigmund Freud, ang founder ng psycho-analysis kung saan ang paggamot sa mga may sakit sa isip ay malalaman sa pag-uusap ng doktor at pasyente. Marami siyang bagong teorya tungkol sa tao, at nang siya’y pumanaw, pinagpatuloy ng kaniyang bunsong anak na si Anna ang pagsulong ng mga ito. Marami silang naging tagasunod at ginamit ang kanilang mga teorya sa ibat ibang larangan, pati na sa digmaan, pulitika at negosyo. Ang katuruan ni Freud ay masasabi nating nagbunsod ng kakaibang pananaw sa personalidad, identity, unconscious mind at sexuality ng tao. Kay Freud, malaking bahagi ng problema natin ay dahil sa repression ng ating psycho-sexual drives, isang malaking pagdikit sa ating pagkatao at ang ating hidden desires para ma-satisfy ang tinatawag niyang “erogenous zones” ng tao. Wala kang makikita sa mga sinulat ni Freud na tayo ay maaaring makaangat mula sa ating physical senses at conditions, na tayo ay spiritual beings din na konektado sa Diyos. Hindi naniwala si Freud na may Diyos. Ngunit sa ating mga Kristiyano, ang tao ay bahagyang mababa lang sa mga anghel sa kaniyang spiritual nature, “What is man (o God), that you are mindful of him, and the son of man that you are mindful of him, and the son of man that you care for him? Yet you have made him a little lower than the heavenly beings and crowned him with glory and honor”. (Psalm 8:4-5)
Hindi kinilala ni Sigmund Freud ang posibilidad na mayroong transcendent end ang tao, na dahil gawa ang bawat tao sa Imahe ng Panginoong Diyos (Genesis 1:26-27), ang mga underlying tensions na sinasabi ni Freud, ay maaaring mapangimbabawan ng kabutihan ng Diyos. Ang pangako ni Kristo na bagong buhay, kung saan aapaw ang pagmamahal at kalakasan ng Diyos ay hindi binigyan ng puwang sa mga teorya ni Freud. Lumalim si Freud sa pagsisid sa unconscious mind, at dun sa mga “repressed” desires at instincts ng tao.
Ang mga teorya ni Freud ang malaking pinaghuhugutan ng Western modern-day culture. At dahil hindi naman goal ni Freud ang iangat ang diwa ng tao sa matatayog na pangarap ng Diyos para sa tao, ang mga bunga nito ay primarily ang pagyabong ng self-centered view of life. Sa war and security campaigns, sa electoral at iba pang political propaganda, at pati sa commercial advertising, laging hinahanap ng mga practitioners ng teorya ni Freud ang kahinaan, ang resentment, ang past injuries, ang hidden evil desires, at anumang makakapag-igting ng emosyon ng tao. Ito ay upang matumbok ang angkop na messaging para sa target audience; at makamit ang hangarin na kamuhian nila ang binansagang kaaway, iboto nila ang nagpondong kandidato, o kaya’y bumili sila ng inaadvertise na produkto. Hindi importante kung makabubuti ang mensahe sa lipunan. Maaaring hindi ito ang orihinal na intensyon ni Freud, ngunit ito ang naging bunga ng hindi pagkilala sa mas nakakaangat na pananaw ukol sa Diyos.
Hindi ganito ang nais na sitwasyon ni Hesus kung saan hindi natin nakikilala ang tama at mali, at kung saan kumakagat tayo sa bitag ng kasinungalingan. Sa halip, nais ni Hesus ang makatotohanang buhay, upang magkaroon ng kabuuan ang ating pananampalataya.
Nawa’y dumating ang panahon na ang lumabas na survey result para ilarawan tayong mga Pilipino ay hindi na “confidently ignorant”, kundi “confidently truthful.”
Hihimayin ko sa susunod na article ang mga survey na aking tinalakay sa simula, at kung paano magagamit ang mga lens ng Kristiyanismo sa mga usaping iyon. Hanggang sa muli, nawa’y patnubayan tayong lahat ng Diyos.
Links po ito sa mga nabanggit na datos:
[1] https://www.worldatlas.com/…/religious-beliefs-in-the…
[2] http://www.sws.org.ph/swsmain/artcldisppage/…
[3] See esp slides 39 and 40 in https://www.ipsos.com/ips…/en-uk/perils-perception-2017…; and also https://newsinfo.inquirer.net/…/filipinos-among-most…
[4] https://www.rappler.com/…/one-third-filipinos-open…
[5] https://www.rappler.com/…/analysis-does-generation-z…
[6] https://www.adb.org/…/economic-forecasts/september-2020…
[7] http://www.pulseasia.ph/september-2020-nationwide-survey…/