ELEKSYON NA ANG NASA UTAK NG MGA MAKAPANGYARIHAN! LALAKAS NA NAMAN ANG GALAW NG KASINUNGALINGAN! SA GANITONG SITWASYON, ANO ANG MAGAGAWA NG SOVEREIGN FILIPINO PEOPLE PARA MAIBALIK SA KABUTIHAN AT SA DIYOS ANG BAYAN?

By Maria Lourdes Sereno

January 7, 2021

Integral Faith
Illustrated by Kelly

Itanggi man ng marami, nasa utak na ng mga pulitiko ang 2022. Gayon na rin ang kanilang mga tagasunod at kaalyado. Ang mga simbahan natin, ipinagdarasal ang 2022 elections, na ito ay maging malinis, mapayapa at credible. Ngunit may isang malaking bahagi ng buhay pulitika sa Pilipinas ang hindi natin napapansin, at dahil doon, hindi natin naipagdarasal na mapasakop sa paghahari ng kabutihan ang media, ang advertising industry, ang political operators, ang call center at troll industry, at ang mga utak ng lahat ng election propaganda na maririnig natin sa susunod na 16 months.

Noon pa mayroong propaganda. Sa Bibliya mismo ay dinaan sa propaganda ang pananakot sa mga taga-Jerusalem ng haring Sennacherib ng Assyria. Ito ay noong panahon ni King Hezekiah ng Judah sa circa 701 BC. Kilala si Hezekiah sa kanyang reforms upang manumbalik ang pagsamba sa iisang Diyos na si Yahweh. Nais niya ring pag-isahin ang nahating mga kingdoms of Jerusalem at Israel. Ngunit ang regional power noon ay Assyria at ang hari ay si Sennacherib. Plano ni Sennacherib na sakupin pati ang Jerusalem sa pag-expand niya ng kaniyang kaharian. Unang nakipagnegosasyon si Hezekiah na huwag lusubin ang Jerusalem; nagbayad siya ng napakalaking halaga upang huwag masakop ang Jerusalem. Ngunit itinuloy pa rin ni Sennacherib ang planong pananalakay sa Jerusalem, hanggang sa napaligiran ito ng army niya. Upang manghina ang mga sundalo at residente ng Jerusalem, gumamit ng propaganda o isang taktika ng psychological warfare si Sennacherib. Ito ang malakas na isinigaw na mensahe ng alagad ni Sennacherib:

Ano ang pinagkakatiwalaan nyo at parang confident kayo? Yung pananalita nyo ba ay kayang labanan ang armas ko (kasi nagpadala ng mga negosyador si Hezekiah sa army na nasa labas ng walls of Jerusalem)? Inaasahan nyo ba na tutulungan kayo ng Egypt? Para na rin kayong umasa sa patpat. Baka naman sa Diyos na si Yahweh kayo umaasa? Kayong mga taga-Jerusalem, huwag nyong hayaang lokohin kayo ni Hezekiah pag sinasabi niyang magtiwala kayo kay Yahweh! Meron na bang diyos sa ibang bansa na nakapagligtas na sa puwersa ng Assyria? Wala pa. Bakit nyo naiisip na kaya ni Yahweh na iligtas kayo? (paraphrase in Tagalog of some verses in 2 Kings 18:19-30 is mine.)

Iyan ang dominant spirit ng mundo na ang propaganda ay “huwag magtiwala sa Diyos” kundi sa yaman, sa laki ng army, sa violence at weapons of violence, sa pananakot, sa popularidad, sa pagkatuso o sa reputasyon ng isang kandidato na imposible siyang matalo. Ang pagtulak ng ganitong public image ay kadalasan nagreresulta sa paniniwala sa pamamaraan ng tao at hindi sa pamamaraan ng Diyos. Malinaw sa Bibliya na hindi natin dapat sandigan ang lahat ng mga iyan. Maraming kondemnasyon sa mga nagtitiwala sa yaman at sa popularidad (Prov 11:8, Matt. 6:19-21; Luke 12:15; Luke 16:13; 1 Tim. 6:10, 17-19; Heb. 13:5). Ang mga gumagamit ng pananakot at pagkitil ng buhay ng tao, pag hindi magbago, ay paparusahan ng malagim na kamatayan o eternal punishment (Gen. 9:5-7; Exodus 23:7; Num. 35:31-33; Deuteronomy 27:25; Matt. 5:21-22; Col. 3:25).

Ngunit sa eleksyon, hindi aamin ang mga tumatakbo at ang mga nagpapatakbo ng propaganda nila na ang mga ungodly values na ito ang kanilang sandigan. Ipapalalabas nila na mahal nila ang madla, ang Pilipinong dukha, at nagsasakripisyo sila ng sarili nilang comfort upang pagsilbihan ang bayan. Iyan ang malaking deception sa mga Pilipino at sa iba pang lahi. Ginagamit ng mapanlinlang na pulitiko ang linggwahe ni Kristo–the servant as the greatest, love for the poor, dying to one’s comfort–upang magkunwari na ang hangarin nila ay magsilbi sa kapwa ngunit yun pala ang hangarin ay upang magpayaman.

Kaya’t kailangan ang taimtim na panalangin at pagsasalita ng katotohanan ng Diyos upang ang propaganda ay matalo at ang tunay na public service ang magwagi. Marami po sa industriya ng pagbabalita at pagpapaganda ng public image ay mabubuting tao. Ngunit maaaring hindi nakikita ng karamihan sa industriya na ang sadyang pagpapakain sa kaisipan ng taumbayan ng kasinungalingan ay ikahihina ng moralidad ng bayan. Kaya’t kailangan pong manalangin tayo, saan mang dako ng mundo tayo naroroon, sapagka’t hindi madaling labanan ang hinaharap ng ating bayan. At ang sama-sama nating pagsusumamo ay diringgin ng ating butihing Diyos:

O Diyos na hiningan ng tulong ni King Hezekiah. Sinagot mo ang taimtim na panalangin ni Hezekiah na huwag manaig ang kasinungalingan ni Sennacherib na hindi Ikaw ang buhay na Diyos na mapagkakatiwalaan. At pinatunayan Mo nga ang kaligtasan na pinangako Mo kay Hezekiah nang ikaw ay miraculously nag-intervene at pinabalik mo si Sennacherib sa kaniyang bayan at hindi nalusob ang Jerusalem. Ngayong nagbabadya na ang pangangampanya sa Pilipinas, idinudulog namin sa Iyo, sa ngalan ni Hesus, na puksain Mo ang malawakang pagsisinungaling na dulot ng mga eleksyon sa bayang ito. Turuan Mo ang mga Pilipino na makilala ang katotohanan at kasinungalingan, ang mabuti at masama, ang pagbabalik sa Iyo o pagpapatuloy ng pag-iidolo ng tao.

Kaming mga Pilipino’y ilang dekada nang pinagsisinungalingan. Hindi lahat ng tumatakbo ay hangad na magsilbi; marami ang naghahangad na maghari-harian. Ibagsak Mo Panginoon ang pag-iisip na ang kapangyarihan para sa sarili ay makukuha sa botohan; ilantad Mo ang tunay na kulay ng mga hangad tumakbo sa 2022. Turuan mong kumilatis ang botanteng Pilipino. Maawa Ka sa amin, paano na ang bayang ibinoboto ang mga nangungulimbat? Hindi ba Panginoon, katawa-tawa ito? Paano po maaayos ang aming lipunan kung hindi Ka gagalaw? Paano po mabibisto ang industriya ng kasinungalingan, ang mga trolls, ang mga naniwala sa gawa-gawang kwento kung hindi Ikaw ang magbibisto? Pagkat walang desire ang gobyerno na malaman kung paano ginagamit ang bilyunang confidential fund nito, na lumalabas sa maraming kwento ay nagagamit sa propaganda. At yung hindi naman galing sa pondong ito, nakaw pa rin sa bayan ang ginagamit upang patakbuhin ang political campaigns ng ilang politiko. Panginoon, hindi namin kayang iligtas ang aming bayan sa ganitong kaapihan kung hindi Ikaw ang gagalaw – ang magbibisto, magbibigo at gagawing accountable ang mga nagsisinungaling. At Ikaw rin Panginoon ang magbibigay sa amin ng wisdom at kakayahan na lumaban sa kasamaan sa aming iba’t ibang spheres of influence. Wala pong malakas na kakampi ang bayan ngayon, Panginoon, Ikaw lamang.

At Panginoon, turuan Mo kaming lumaban sa mga gumagamit sa Iyong Pangalan. “Lord, Lord,” daw nila Kayo, nguni’t kasamaan ang ginagawa nila. Pigilin Mo Panginoon ang masasama nilang gawain, turuan ang lahat na magsisi at manumbalik sa Iyo. Pagbigkisin Mo ang mga tagasunod Mo na gusto ng isang bayang nagpapasakop at tunay na sumusunod sa Iyo, at hindi “in-name” only. Tapusin Mo na po ang pagiging fruitless ng mga Kristyano, ipakita Mo po ang integral faith na nais Mong tahakin namin, kung saan ang lahat ng isipin, pananalita at gawain namin ay ayon sa Iyong salita, isang bayan kung saan #TugmaLahat. Sa Ngalan ni Hesus, na aming tagapagligtas, linisin Mo ang aming mga puso at gayon na rin ang puso ng aming bayan. Amen.

Ang susunod ko pong artikulo ay ukol sa mga tanong na dapat na nating itanong sa mga nagpapahayag ng kagustuhang tumakbo sa Halalan 2022. Salamat po sa inyong lahat.

SHARE