BILANG TAGASUNOD NI KRISTO AT DATING PUNONG HUKOM NG PILIPINAS, MADIIN KONG INIAAMBAG ANG AKING BOSES SA PAGTUTOL SA GIYERA NA INILUNSAD NG RUSSIA LABAN SA UKRAINE
By Maria Lourdes Sereno
Responsibilidad ng bawat court officer—mga dating huwes at nanunungkulan pa, mga abogadong nanumpa na ipagtatanggol ang katarungan at Konstitusyon—na tumindig sa tabi ng taumbayan at pamahalaan at sabihing: Tama na, pamahalaan ng Russia, ang pananalakay sa Ukraine at iatras mo na ang iyong mga armadong pwersa mula sa teritoryo nito.
Ang teritoryo ng Ukraine ay iginuhit sa mapayapang paraan noong 1991 at ginalang ng lahat ng bansa. Ang rule of law na katungkulan ng bawat officer of the court na ipagtanggol ay nangangahulugan na dapat sa aming pananaw, walang moral at legal na basehan ang paglusob ng Russia sa Ukraine. Tinatawagan ko ang lahat ng naniniwala sa rule of law na iparamdam ang kanilang pagtutol sa giyerang inilunsad ng Russia laban sa Ukraine.
Bilang Kristiyano, tinututulan ko ang anumang hakbang ng anumang gobyerno na magreresulta ng karahasan, kahirapan, sakit at kamatayan nang walang justification. Ang paggamit ng pwersa ay naaayon dapat sa intensyon ng Salita ng Diyos na ang mga sandata ay gagamitin upang depensahan ang sarili sa kapahamakan o upang makamit ang katarungan. Wala dito ang ganoong sitwasyon. Ang kaguluhan sa loob ng Ukraine ay hindi dahilan upang lusubin ito ng Russia. Maraming payapang paraan upang higit na kilalanin ang mga Russian-speaking population sa Ukraine. Kaakibat pa nito ang malawakang paniniwala na ginatungan ng Russia ang internal problems ng Ukraine.
Nananawagan ako ng malinaw na petisyon na iaangat sa panalangin ng lahat ng mananampalataya sa Diyos:
na tigilan na ng Russia ang paglusob sa Ukraine;
na minimum lamang ang maging damage sa buhay, kaligtasan at kabuhayan ng mga taga-Ukraine;
na huwag nang lumaki ang sigalot; at
na mahanap ng lahat ang kanilang sagot sa kapayapaan at hindi sa dahas — sa Diyos at hindi sa mapanglamang na kaparaanan ng tao.
Maging matinding babala sana ito sa lahat ng Pilipino. Maaaninag sa sigalot na ito ang maaaring mangyari din sa Pilipinas.
Sa ngalan ni Hesus, itinataas ko ang ganitong panalangin, Amen.