ANG KASAMAAN BA AY HAHAYAAN LANG NATING MAG-INGAY AT MAG-MABANGIS?
By Maria Lourdes Sereno
Ang desisyon ko po na maging aktibo sa social media ay dumaan sa matagal na proseso ng pagninilay-nilay. Matagal po ako bago nakapagdesisyon na magkaroon ng presensya sa socmed, kagaya ng Facebook, Instagram, at Twitter. Parang hindi po kasi bagay sa aking mga napag-aralan na metodikong pagbabalangkas ng mga ideya at argumento. Kadalasan, napakarami po ng aking mga hinahanay at may kahabaan ang aking mga isinusulat para sa hukuman.
Ang akin pong nakasanayan ay kabaliktaran ng teknolohiya at lohika ng socmed. Ang socmed ay walang ibinibigay na halaga sa mahahabang content, at walang pasensya sa mga tumatangkilik sa tiyaga ng hanay-hanay at maingat na pag-aargumento. Maingay, maraming bastos, at maraming bayaran lamang. Naglipana rito ang mga trolls na nagkakalat ng disimpormayon at nagsasabog ng poot sa puso ng netizens. Naitanong ko tuloy, “Panginoon, hindi po ba katahimikan ng espiritu ang hinihingi Mo sa amin?” Buo naman po ang tiwala ko na ibibigay sa akin ng Diyos ang katarungan, kaya mula sa self-preservation point of view at comfort level ko, mukhang mas mainam talaga na huwag nang sumawsaw sa social media ang mga kagaya kong mahilig magbasa, mag-aral at mag-reflect, at very private ang family life.
Ngunit hindi po ako matahimik. Hahayaan ko na lang ba na ang kasinungalingan, kamatayan, karahasan, kasakiman, kahayukan, kahalayan, at pang-aabuso at panggigipit ng kapwa ang laman ng socmed sa araw-araw na ginawa ng Diyos? Hindi po ba dapat ay ating punuin ng kabutihan, sa abot ng ating makakaya ang lahat ng platforms of information?
Ano po ang sabi sa atin ni San Pablo? “Finally, brothers and sisters, whatever is true, whatever is noble, whatever is right, whatever is pure, whatever is lovely, whatever is admirable–if anything is excellent or praiseworthy–think about such things.” (Philippians 4:8)
Paano po maiisip ng ating mga kababayan, lalo na ng mga kabataang Pilipino ang mga bagay na tama, kung hindi natin pupunuin ang socmed ng katotohanan, kabutihan, katuwiran, kadakilaan, kagandahan, kahusayan at mga kapuri-puring bagay? Paano magiging maaliwalas at kaaya-aya ang kinabukasan ng ating mga anak at apo kung hindi natin bibigkasin ang mga katotohanang ikaaangat ng kanilang pananaw at perspektibo? Paano mahahawi ang kasamaan kung tikom ang ating mga bibig sa katotohanang nalalaman natin para sa ikatutuwid ng landas ng ating bayan?
Kaya hinihimok at pinakikiusapan ko po kayong lahat na sama-sama nating pawiin ang buhawi ng kasamaan at labanan ito ng kabutihan. Pangimbabawin natin ang isang tsunami, ang Tsunami of Hope. Mag-like, mag-share, magdagdag ng ambag, gumawa ng sariling content na ikararami ng mabubuting ideya sa bayan. Huwag panghinaan ng loob. Lusubin ang kampo ng kaaway sa pamamagitan ng ating pagiging GOOD SOCMED WARRIORS.
Tara na! Hindi rin po ako sanay sa ganitong gawain. Ngunit kailangan po ito ng panahon. Kung kaya’t makakabuting umpisahan natin ito habang maaga at habang may panahon pa.
Remember, ating gawin ang mga sumusunod sa ibaba kung ang mga nababasa at napapanood natin sa socmed ay totoo o makakatalo ng anumang fake or evil:
- Like or Heart React;
- Share o i-tag ang taong nais mong makabasa o makapanood nito;
- Give positive feedback or comments;
- Add more good to already good content;
- Create original content, magkwento rin po kayo;
- Share to facebook groups or group chats; at
- Tiyagain para maging viral until we create the strong presence of goodness in social media, A TSUNAMI OF HOPE.