Ang DDS at Non-DDS

By Maria Lourdes Sereno

December 2, 2020

Eleven days ago, ako ay naimbitahan ni Obed dela Cruz sa isang LIVE interview. Nagpakilala siya sa akin “out of the blue” noong 2019–ang sabi niya DDS daw siya bagama’t sinusubaybayan niya ako. Kung hindi ako nagkakamali, sa EDSA kami nagkita, matapos akong magbigay ng pahayag sa isang rally. Ikinagulat ko na parang nagpapaliwanag siya na kahit umano die-hard supporter siya ni Presidente Duterte, parang gusto rin niyang maniwala sa aking mga sinasabi. Bakit kaya ang isang DDS nandito sa rally at gusto akong makausap? Hindi lang iyon ang aking unang encounter sa mga self-proclaimed DDS. (Nabasa ko po lately, “right-wing conservative” pa rin sya, ngunit hindi na daw DDS si Obed ngayon.) Ito po ang video link ng interview ko:

https://www.facebook.com/Obedismo/videos/648557632465217

Integral Faith
Illustrated by Kelly

Last year sa Dagupan City, Pangasinan, mayroon ding lumapit sa akin na nangingilid ang luha. Ang sabi niya patawarin ko daw siya. Tinanong ko siya kung bakit. Ayon sa kanya, hinusgahan niya raw ako, dahil ang akala niya masamang tao ako base sa mga kwento. Ang hindi niya alam na ako ay isang Kristiyano. Sabi ko, “O bakit ka naman naniwala?” Kasi, aniya, tuwang-tuwa siya sa mga video ni Larry Gadon lalo na kapag sinasabihan niya ang mga tao ng “bobo.” Akala raw niya, totoo ang lahat ng mga bintang sa akin. Laking gulat ko, isa pala siyang guro at Kristiyano. Niyapos ko siya at sinabihang okay na ang lahat sa aming dalawa.

Minsan naman, sa isang pagpupulong kasama ang labindalawang mga pastor sa Metro Manila, sinabihan nila ako ng ganito, “Chief, pwede bang baybayin mo ang aming mga simbahan? Sabi ko, bakit? Kasi maraming naniniwala sa masasamang kwento tungkol sayo doon sa socmed at traditional media. Kapag nakilala ka nila, maiintindihan nila kung ano ang totoo.” Nahihiya pang umamin ang isa sa kanila na isa sya sa nagpalaganap ng ganung kwento tungkol sa akin.

Tingin ko, ito na ang isa sa pinakamalungkot na Pasko sa Pilipinas. Bukod sa agam-agam na dulot ng COVID-19 at bagsak na ekonomiya, mga pagbaha at bagyo na nagdulot ng malawakang pinsala, mayroong isang mas malalim na sanhi ang kalungkutan natin sa Paskong ito—ang sakit sa kaluluwa.

Sa buong kasaysayan ng Pilipinas, ngayon lamang tayo nakaranas ng ganitong galit at pagkamuhi sa mga hindi kakampi sa pulitika. Kadalasan, matapos ang dalawang taong samaan ng loob dahil sa pagkatalo ng ating mga “manok”, tinatanggap natin ang resulta at tuloy na sa pagpa-plano ng mga susunod na hakbang. At yung nanalo naman na administrasyon, hinihikayat ang lahat na magbuklod, at hindi pinipikon ang mga natalo. Sa halip, ngayon lamang nagkaroon ng pagkadikit sa “identity” ng mga Pilipino ang kung sinumang kinampihan at tuluyang kinakampihan natin simula noong 2016 elections.


Paano ba natin matatanggal ang pagbabansag ng DDS, dilawan o pulahan?

Parang dumikit na sa ating balat gaya ng ating pagkakayumanggi. Paano nagsimula itong ating “identity crisis” kung saan sinasamba na ang mga pulitiko? At kahit hindi pa tapos ang termino, o ang mga pagsisiyasat ng mga pormal na charges sa international court, may mga nagsasabi pa na “the best” talaga ang kanilang napili. Ni ayaw pakinggan ang posibilidad ng korapsyon at kawalan ng epektibong pagharap sa pandemya. Basta, ‘la lang! The best pa rin. At kung may mga listahan man ng accomplishments, ayaw ipa-check kung accurate o hindi, kung may basehan ang sinasabing mga nagawa. Ang alam lang ng mga nagtatanggol ay ramdam nila ang kanilang sinasabi. Kung bakit, hindi rin nila maipaliwanag.

Ngayon lang naging ganito katindi ang pagkakahati-hati natin at ang malakasang pagtatanggol sa naihalal.

Ngunit malalim ang pinaghuhugutan nito. Galing ito marahil sa pananaw na hindi sila nakakuha ng kakampi sa gobyerno noon at ang Presidente lamang na ito ang nagparamdam na siya ay kakampi ng mas nakararami. Kahit pa mapatunayan na naubos ang kaban ng bayan dahil sa maling paggasta ng pondo, kampi pa rin sa nahalal. Ito nga ba ang tunay nating pagkatao? Na hindi na tayo nanunuri o kumikilatis ng mga public officials? Basta feel lang natin, tama siya.


Ngunit ang ganitong perspektibo ay may kahinaan.

Kung hindi nagagamit ang katangian na pagiging mapanuri, gaya ng mga Berean Christians na pinuri ni Pablo (Acts 17:11), basag ang ating testimonya. Paano natin masasabing Kristiyano tayo kung ang mga basehan natin ng mga desisyon sa buhay ay hindi halaw sa Bibliya kundi sa kuro-kuro lamang ng iba?

Inaanyayahan ko kayong makilakbay sa Facebook page na ito, isang Kristiyanong pakikipagkapwa sa kapwa-mamamayan at sa gobyerno. Hanapin natin kung paano nga ba maging Christ’s salt and light: sa panalangin, sa pagtulong, at sa kahalagahan ng pagiging good Filipino citizens upang maging epektibong tagabantay ng ating pamahalaan. Hanapin natin ang tamang balanse sa pag-apply ng submission to authority at pagbibigay ng katarungan sa kapwa, na utos din sa atin ng Diyos. Tukuyin ang tamang pagmamahal at paggalang sa mga kinauukulan, upang hindi sila mapahamak, dahil walang nagpapaalala sa kanila ng batayan ng tama.


Sa atin inihabilin ang bansang ito, at hindi sa iba.

Alamin natin, pag-aralan at isabuhay ang mga hakbangin upang maging tunay na Pilipino na kaaya-aya sa Diyos, at hindi lamang ayon sa ating sariling opinyon o pakiramdam. Tama ba na hanggang ngayon, may mga bansag pa rin tayo sa isa’t isa na tuluyang nagdudulot ng galit at pagkakahati-hati sa ating bayan? Ito ba ay kaya nating ipagmalaki bilang mga Kristiyano? Hanapin natin ng buong pagpapakumbaba ang “whole counsel of God” (Acts 20:27) at ibalik muli ang pagkakabuo nating mga Pilipino. Ito ang mga bagay na ikinalulugod ng Diyos para sa Kanyang bayan.

SHARE