ANG BAGO PONG SCRIPT: MASAMA DAW ANG DEMOKRASYA

By Maria Lourdes Sereno

Maria Lourdes Sereno

Today po, napansin ko na naman ang bagong script ng mga trolls. Pare-pareho po ang sinasabi: “Bakit, ano ba ang kabutihan na dinala sa atin ng demokrasya?” Ayan po, malinaw na gusto nilang i-worship natin si Ferdinand Marcos Sr. at by extension, si Marcos Jr. Ang karanasan ng halos lahat ng diktadurya sa mundo, ay gumamit ng istratehiya ng pag-worship sa diktador. In other words, itinutulak sa atin ng mga supporters ni BBM ang political idolatry of the Marcos family.

Opposite po ng political idolatry ang ideyalismo ng demokrasya. Sa demokrasya, pantay-pantay ang tao. Sa orihinal na pinanggalingan ng modern version nito sa Christian Western Europe, nahubog ito sa dignidad ng tao na hindi maiaalis sa kaniya. Dahil ang bawat isa ay hinubog sa wangis ng Diyos (Genesis 1:26-27).

Biyaya ng Diyos sa Pilipino ang ginawa tayong malaya sa isang demokrasya, upang hindi mapilitang sumamba sa isang diktador, kundi sa buhay na Diyos lamang. Ang diktadurya ay kalaban ng kalayaan ng tao na nais ng Diyos maranasan ng bawat isa. Maaaring mas malaking trabaho ang pagbubuo ng bansa na malaya at masagana, ngunit iyan ang kailangan nating gawin alang-alang sa ating mga salinlahi.

Alam natin ang persecution na nanggagaling sa diktadurya. Walang kalayaan ang konsiyensiya at pananalita. At ang mananampalataya na lalaban para sa katarungan ay tutugisin ng diktadurya. Walang ibang kwento sa buong kasaysayan kundi ito.

Dahil ang diktadurya Marcos style ay kalaban ng dignidad at pagkapantay-pantay ng tao, kalaban ito ng mapagpalayang kinabukasan na mailalarawan natin sa mga kwento sa Bibliya. Na hindi mga Pharaoh ng Ehipto o mga diktador sa Pilipinas ang magpapalaya sa atin upang makamit ang ating masaganang Promised Land; kundi ang Diyos na buhay na gumagalaw sa kalagitnaan ng isang bayang nagmamahal at sumusunod sa Kaniya. Kailangang labanan ang anumang kaisipang kailangan nating isuko ang ating kalayaan sa isang diktador.

Ito ang ating kinabukasan, hindi ang balikan ang idolatry kay Marcos na siya lamang ang batas at hari-harian, kundi ang mahanap ang ating boses bilang totoong #SovereignFilipinoPeople. Sa ganitong paraan, makikilala natin ang pundasyon ng ating pagkatao bilang malikhain at malayang God’s Image-bearers. Yakapin natin ang identity na ito at ang implikasyon nito sa ating destiny bilang isang bansa. 

SHARE