A SURRENDERED LIFE TO GOD AND THE LAW
By Maria Lourdes Sereno
Praise be to our God who is from everlasting to everlasting. The cattle on a thousand hills are His, all of heaven declares His glory; indeed there is nothing made that has been made except by Him and through Him. (Psalm 50:10-12, Psalm 19:1, John 1:3).
Ginawa pong basic sa pagtuturo ng “surrendered life to Christ” ang paniniwala na hindi tayo naliligtas mula sa espiritwal na kapahamakan sa pagpapakabuti sa pamamagitan ng pagsunod ng religious laws, kundi sa pagpapasakop kay Kristo—sa buhay na inialay Niya bilang pamalit sa ating kahinaan na tuparin ang panangailangan ng relasyon sa Diyos Ama.
Naiisip ko na dahil sa pagpasok sa isip natin na ang religious rules ay hindi nakapagliligtas, naidikit natin yung konsepto na hindi ang mga rules ang pinakamahalaga sa buhay kundi submission. Ang problema, na-extend natin ito sa social/political rules at accountability ng public governance at submission to government leaders. Dahil sa maling pag-extend ng concepts na ito sa areas na hindi ito applicable, yumabong nang husto ang political idolatry sa Pilipinas. Kung pag-iisipan natin, ito ang isang malaking area ng split-level Christianity. Dito makikita ang kahinaan ng integral faith.
Ano po ang isang key bible verse na magandang pag-isipan natin? “Give unto Caesar what is Caesar’s, and to God the things that are God’s” (Mark 12:17). Malinaw po mula rito na mayroong hangganan o limits ang submission kay Caesar. Dahil sa taxation ang inorder ng gobyerno ni Caesar, ibigay ang nararapat na taxes, ngunit laging kilalanin na may higit na mataas na ruler kaysa kay Caesar. Ibig sabihin, yung pagsunod na ukol lamang kay Caesar bilang highest temporal ruler ang dapat ibigay kay Caesar, sapagkat sa Diyos lamang nauukol ang pag-submit sa Sovereign Creator God. Si Caesar ang masasabi nating representasyon ng lahat ng highest temporal authority sa isang geographic territory.
Ang Caesar sa Pilipinas ay hindi ang pangulo o sinumang political o government leader. Ang Caesar ay ang “Sovereign Filipino People” At ang Sovereign Filipino People na ito ay nagtalaga ng Konstitusyon at mga batas na dapat na sundin ng lahat, mula sa pangulo hanggang pinakamababang kawani ng gobyerno. Ang Konstitusyon ang highest authority na itinalaga ng Sovereign Filipino People na batas, gabay, at batayan ng public life sa buong Pilipinas. Walang exempted dito. Lahat tayong Pilipino, ito ang Caesar natin na bibigyan natin dapat only what is its due it.
Nakalimutang ituro na bawal ang pagbibigay ng titulo o pagtrato bilang hari sa Pilipinas. Lahat ng public officials ay lingkod-bayan. Ngunit dahil sa tindi ng political idolatry ay ginawa silang parang hari. Kapag sinabi nilang pupunitin nila ang Konstitusyon, pinapalakpakan pa. Nakalimutan na anumang awtoridad ng sinuman sa gobyerno ay galing sa Konstitusyon. Dahil ginawa nating “idols” o hari-harian ang inihalal nating dapat ay lingkod-bayan.
Kaya tayo alipin ng kahirapan hanggang ngayon ay dahil sa political idolatry. Kaya tayo madaling magapi ng fake news at historical distortions ay dahil sa political idolatry. Ito ang number one enemy ng accountability at honest government.
At hindi lang social at political ang impact ng political idolatry—dahil kinakampihan natin ang unjust at corrupt, pati ang authenticity ng faith natin sa Diyos at sa Kanyang mga salita, ay nagiging kaduda-duda. Panahon na, overdue na po, na gawin natin na everything about our faith and views on public questions ay #TugmaLahat. Salamat po.