ANG RESURRECTION SUNDAY AT ANG ARAW-ARAW NA REALIDAD SA PILIPINAS
By Maria Lourdes Sereno
Malimit, nagsasaya ang buong bayan tuwing Resurrection o Easter Sunday. Tama naman, sapagkat ang muling pagkabuhay ni Kristo ay ipinagdiriwang taun-taon upang hindi mawala sa puso natin na Siya ang tunay na pag-asa. Ngunit sa taong ito, kailangan yata ay puspusang pagninilay ng lahat.
Nakakalungkot po, na nasanay na tayo sa isang pamahalaang napakagulo. Nakakalungkot din po na sa bawat pananalasa at hagupit ng lindol, bagyo, pagbaha o kalamidad, hindi natin naaaninag ang kahandaan ng gobyerno.
Nabibiyak ang puso natin para sa bayan at kapwa, inaabot ang anumang sariling ayudang makakayanan. At dahil animong manhid, kulang o walang kakayahan ang gobyerno, ang taumbayan na hirap din sa sariling problema ang makikita nating maagap na nagbabayanihan.
May mensahe ba para sa atin sa Pasko ng Pagkabuhay? Ang pagdiriwang ba natin sa buhay na walang-hanggan na ibinabahagi ni Kristo ay may kahulugan para sa nangyayari sa lipunan?
————
Pandemya, kalamidad, eleksyon na madaming misteryo ukol sa galaw ng COMELEC, mataas na presyo ng gasolina at pagkain, MRT na biglang magme-maintenance kung kelan kailangang-kailangan ng tao ng public transpo, fake news kaliwat kanan.
Anim na taon na tayong sinindak sa pangbu-bully at pambobola ng isang kakaibang pamamahala. Masyadong shocking yung pagmumura at panlalait na nanggaling sa Pangulo. Kaya’t ang karamihan, sa halip na sabihing mali ang pinapakita ng highest official of the land—pumalakpak, tumawa, nakisama sa bullying.
Nitong nakaraang Biyernes ay ginunita natin ang Good Friday na para na ring Judgment Day. God the Father judged Jesus Christ as the bearer of all sins, for all generations. At dahil blameless victim siya, tinanggap ang substitution Niya ng Kaniyang buhay para sa lahat ng nagpapasakop sa sakripisyong iyon. Kasama na ang lahing Pilipino. Sinuman ang kumilala sa pagka-Panginoon ni Kristo at tumatalikod sa buhay ng kasalanan at bumabalik sa Diyos ay nabibiyayaan ng judgment na ipinataw ng Ama kay Jesus.
Ngunit para ano pa ang pagtawag natin sa sarili natin bilang Kristyano kung ang pagsisinungaling, pangbu-bully, at injustice ang pinaninindigan natin? Saang aspeto ng ating pagsuko kay Jesus ang nagsasabi sa ating kampihan at ipagtanggol ang mga magnanakaw at hindi nagsasauli ng nakaw? Mahirap pagtagpuin ang paniniwala kay Kristo na Katotohanan, sa pagkampi sa korapsyon.
Ang Krus ang pinakamalakas na simbolo ng pakikipaglaban ni Jesus sa kabuktutan ng makamundong sistema ng mga makapangyarihang nagkampi-kampihan upang pigilan ang katotohanan. Sa Krus sinasabi ni Jesus na ang Espiritu ng Tunay na Pag-ibig, ang Agape Love na sacrificial, ang tunay na magpapalaya sa tao.
At sa Resurrection o Easter Sunday, Pasko ng Pagkabuhay, ay napatunayan ang kapangyarihan ng Agape Love na ito. That love, of the kind that leads to great sacrifice, is greater than death. Nabuhay si Kristo na Diyos ng Pag-ibig at napagtagumpayanan ang kamatayan. Tama po na walang pwersang mas malakas kaysa pagmamahal ng Diyos. At kung nananahan ang ganyang pagmamahal sa puso ng tao, ano ang hindi kayang pagpursigihan sa ngalan ng pagmamahal?
Naintindihan ni Andres Bonifacio na ang pagmamahal sa kapwa ay nangangahulugan na mamahalin natin ang ating bayan higit sa ating sarili. Panahon na upang ipakita natin kung gaano ka-dakila ang pagmamahal nating mga Pilipino sa bayan.