KABAITAN BA ANG HINDI PAGKIBO NG ISANG APLIKANTE SA PAGKA-PANGULO SA HARAP NG MABIBIGAT NA TANONG UKOL SA KORAPSYON, ATBP.?
By Maria Lourdes Sereno
Marami pong nagsasabing kahit anong katotohanan ang ilahad natin, iisa lang kandidato sa pagkapangulo ang mabait—yung hindi umiimik. Ito po ang nakukuha kong comment sa ilang mga posts ko dito sa page natin.
Sa Bibliya, ang pananahimik sa harap ng matitinding akusasyon ng kasalanan sa bayan, ay hindi tanda ng kabaitan. Iisa lamang ang ehemplo ng pananahimik sa harap ng akusasyon, nung kaharap ni Hesus si Pontius Pilate. Ang paliwanag dito ay upang ang lahat ng prophecy tungkol sa Messiah ay matupad bilang pagsunod na maisakatuparan ang plano ng Ama ng redemption sa sangkatuhan. Nag-prophesy si propeta Isaias na ang Mesias ng Israel ay mananahimik na parang tupa na dinadala sa kamatayan (Isaiah 50:6).
Ngunit sa lahat ng ibang okasyon, sinagot ni Hesus nang harapan ang lahat ng mga paratang sa Kaniya:
Na siya daw ay sa kampon ni Satanas kasi napapasunod niyang lumalayas ang masasamang espiritu (Mark 3:20-30);
Na siya ay nagsusulong ng rebelyon laban kay Caesar, at hindi nagbabayad ng buwis (Mark 12:13-17);
Na ang kaniyang mga alagad ay hindi sumusunod sa Sabbath laws (Mark 2:24-28);
Na siya ay blasphemer dahil sinabi niyang siya ay anak ng Diyos (John 10:36);
Na wala naman siyang alam kasi anak lang siya ng karpintero at kapit-bahay lang ng mga kapwa-maralitang taga Galilee (Mark 6:3).
Ganun din sina Joshua, Samuel at David. Humaharap sila sa mga tao, dahil pinuno sila ng bansang Israel, at hinahamon nang harapan na dalhin ang anumang akusasyon ng anomalya sa kanila (Joshua 24:14-15, 1 Samuel 12:1-15, Psalm 51, 2 Samuel 12:1-23). Inilatag nila ang kanilang integridad sa harap ng lahat. Bukas na bukas sila sa accountability sa bayan. Dahil sa takot sa Diyos. Kaya’t hindi sila tumatakas sa pagharap ng tao.
Ang pananahimik sa harap ng mabibigat na akusasyon ukol sa integridad ay never sinabing sign ito ng kabaitan sa Bible. Lalung-lalo na, kung bagama’t tahimik nga iyung inaakusahan, isang pulutong ng mga influencers at trolls naman ang nagbibigay ng lahat ng depensa o palusot sa kaniya.
Minimum requirement ang accountability sa Bible at sa Konstitusyon.
Sabi sa Article XI, section 1:
“Public office is a public trust. Public officers and employees must, at all times, be accountable to the people, serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency; act with patriotism and justice, and lead modest lives.”
Walang nag-aapply na pangulo na hindi humaharap sa mga hamon ng mahihirap na tanong tungkol sa accountability. Ang hindi kayang gawin ito ay ayaw sa demokrasya. Hinahabol niya ang kapangyarihan, ngunit ayaw ng pananagutan.
Ang kabaitan na ipinakita ng mga propeta, mga godly rulers sa Bible, mga followers ni Christ, at ni Christ mismo ay sa matapang na pagharap nila sa katotohanan, hindi sa pagtakas na harapin ito.