Ito ang Panunumpa ng Sinumang Maninilbihang Pangulo
By Maria Lourdes Sereno
Kung sana ang bawat Pangulo ay tumupad sa kanilang sinumpaang pangako sa bayan, at ang taumbayan naman ay siniguradong tumutupad nga sila, mapapahusay ang kalagayan ng ating bayan. Kasama dito sa sumpa ng Article 7, section 5, ang mamuhay ayon sa batayan ng Article 11, section 1—tapat, responsable, may integridad, loyal sa Pilipino at patriotic, efficient, makatarungan at modest ang pamumuhay.
Mag-imagine po tayo: buhay sa Pilipinas na walang scandal ng malawakang nakawan. Pangulong hindi marami ang asawa na ang mga anak nila ay nag-aaway kung sino ang magmamana ng political mantle ng ama. Walang usaping tongpats, at walang nananakot sa COA kundi tinutulungan pa ito sa kaniyang trabaho. Pangulo na kapag binigyan ng budget upang sagipin ang taumbayan mula sa pandemya ay buong-lakas na tututok sa mga ahensya upang matupad ang layunin ng budget na ito. Pangulong hindi sanga-sanga ang dila kundi nagpapakita ng mabuting asal at ehemplo sa mga kabataan. Pangulong maaaring hangaan at sundan ang yapak sa pagka-makabayani at gumagalang sa dignidad ng kapwa.
Hindi nga hari ang Pangulo—at bawal ang hari sa Konstitusyon—ngunit hindi maiiwasang siya ay gagawing ehemplo ng marami. Kaya ang mabuting Pangulo ay tumutupad ng sinumpaan niya, hindi taga-sira ng ating sumpaang-bayan na Konstitusyon.
AT ANG TAUMBAYAN AY MAY KATUNGKULAN SA SALINLAHI NA IBOTO CONSISTENTLY ANG MAAASAHAN NA TUTUPAD SA SINUMPAAN SA BAYAN AT DIYOS.
SHARE