SA KASAYSAYAN, NAGSIMULA ANG REPORMA O MAGANDANG PAGBABAGO SA ISANG MINORYA O REMNANT; ANG TANONG LAMANG AY KABILANG KA BA SA MGA MANGUNGUNA PARA SA MAKA-DIYOS NA PAGBABAGO?

By Maria Lourdes Sereno

Maria Lourdes Sereno

Ni minsan ay hindi hinintay ng Diyos na magbagong-isip ang mayorya upang simulan Niya ang pagbabago sa lipunan. Palagi, nagsimula Siya sa isa, tapos naging dalawa, mga anak at kaanak, buong tribo, hanggang buong bayan ang nabago.

Ngunit laging kailangan na may magde-desisyon na hihiwalay sila sa lumang tugtugin, at trompeta at awitin lamang ng Diyos ang didinggin.

Si Abram hiniwalay ng Diyos at naging Abraham–prinsipe at ama ng maraming bansa. Si Moises ay kinailangang sumunod sa napakalaking hamon na milagro lamang ang makakatupad–ang pagpapalaya ng isang buong bansa sa pagkakaalipin. Iyon ang mga yugto sa kasaysayan na nagbibigay sa ating mga Pilipino ng pag-asa: na may kalayaan mula sa kasamaan kung meron lamang mga taong titindig at iwawaksi ang lumang tugtugin ng masamang pulitika. Ang ugat nitong kasamaan ay kakulangan ng tunay na paninindigan sa wasto ayon sa Salita ng Diyos.

Lahat tayo ay maaaring magdala ng kaliwanagan at kalayaan sa madidilim na sulok ng ating bansa. Samahan niyo ako sa isang panalangin:

Panginoong Diyos, ayaw ko na po na manatiling tahimik na anak Mo, sa harap ng mga madidilim na gawain ng diyablo sa aming lipunan. Hayaan Mo na ang panaghoy ko para sa paghahari ng Iyong kabutihan sa Pilipinas ay magbunga ng kalakasan na mula sa Iyo. Kalakasan na magpapatotoo na Ikaw ay buhay na Diyos ng Katarungan at Katuwiran (Psalm 89:14). Kalakasan na maipapakita ang pagmamahal ni Kristo sa mga mahihirap at naaapi (Luke 4:18-19). Kalakasan na nanggagaling sa kapangyarihan na tumalo sa kasamaan at kamatayan, nang si Hesus ay nabuhay na muli upang maghari at palaganapin ang kaharian Mo, ang kaharian ng kabutihan at pagmamahalan magpakailanman.

Gamitin Mo ang aking mga labi upang magsalita ng katotohanan, mga braso upang abutin ang mga nangangailangan, mga paa upang sumaklolo sa mga nasa kapahamakan, aking utak upang makahanap ng solusyon, at puso upang makiramay sa pighati ng bayan.

Gamit ang isang anak Mo na handang manindigan, marami Ka nang magagawang pagbabago. Ibilang Mo ako, o Diyos, sa mga handang tumindig para sa Iyo. “Here I am Lord, send me.” (Isaiah 6:8)

SHARE