PARA SA MGA PINOY NA MALINAW ANG DIREKSYON NG KABUTIHAN NA NAIS NILA PARA SA BAYAN, BALEWALA ANG SURVEYS
By Maria Lourdes Sereno
Ang mahalaga ay ang pagbabalik ng direksyon ng bansa patungo sa Diyos at sa kabutihan—sa katotohanan, katarungan at katuwiran. Ang mga surveys ay namamanipula at nagagamit para sa mind conditioning, ngunit ang hindi matatawaran ay ang determinadong pagtahak ng landas para sa ikaaangat ng bayan.
Ang mundo ng public relations, communications, marketing, advertising, propaganda, ay hindi kinukumpas ayon sa tama o mali. Usually, ayon sa gusto ng kliyente. At kung ang kontrata ay para ma-condition ang utak ng publiko na huwag nang lumaban para sa tama, iyan ang ilalabas. Malaking pera ang involved diyan, at ang bet nila, marami ang maniniwala sa mind conditioning.
Sa mga Pilipinong hindi susuko sa pakikipaglaban para sa tamang landas at sa kinabukasan ng bayan, titingnan lang nila ang surveys, bibigyan ng puwang ang malaking posibilidad na manipulado iyon, at kung hindi man, wala ring epekto yung numbers sa tuluy-tuloy na pakikipaglaban nila para sa kabutihan. Sapagkat alam nila ang tama, and “truth and the right are always worth fighting for.”
Sa Pilipinong hindi isusuko ang bayang ito sa kadiliman, makakatulong na maalala niya ang kwento ni Gideon (Judges 7:4-7), kung saan nagdeliver ng great victory ang Diyos gamit lamang ang 300 faithful men. Na ang Diyos, lalaban at lalaban para sa remnant na susunod sa Kaniya, na handang ibigay ang lahat sa pagmamahal sa Diyos at sa bayan, at hindi ever inaasa ang destiny ng kanilang bansa sa numbers.