SINO ANG PERSECUTED CHURCH AT PARA KANINO SILA TUMITINDIG?

By Maria Lourdes Sereno

January 1, 2022

persecuted church

Ang church na komportable at nakadikit sa makapangyarihan ay mahirap sabihing persecuted church. At kung titingnan natin ang Bible, marami sa mga blessings na ipinapangako nito ay sa mga simbahang dumadaan sa pagsubok at persekusyon.

Binasa ko nang makailang beses ang mga salita ni Kristo, at ni minsan hindi ko nasilayan na ipinapangako Niya na magiging malakas sa mga makapangyarihan sa mundong ito ang tunay na sumusunod sa Kaniya. Gayon din ang mga salita ni Juan, Pedro, Santiago (James), at Pablo. Lagi silang nagpapaalala na ihanda ang sarili para sa mga trials, persecution at tribulation. Hindi dahil ang mga alagad ni Kristo ay magugulong tao o rebelde, kundi ang pagsasalita nila ng katotohanan at ang pamumuhay nila ay magsisilbing salamin at magko-convict sa mundo na mali ang paraan nito. At dahil ayaw ng mundo ang hindi makasariling pananaw, ire-reject at aawayin nito ang mga tunay na namumuhay ayon sa Salita ng Diyos.

Walang sinumang kayang umabot ng langit ng sarili niyang lakas. Kailangan ang Diyos ang umabot sa mahinang sangkatauhan. Iyan na nga ang nangyari sa buhay, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus. Ang kaniyang life story, words, parables at paliwanag Niya, ang paggamit Niya ng Old Testament at ang Kaniyang mga pangako ay hitik ng pag-asa at pagpapatunay ng paghilom sa mga sugat at sakit sa mundo.

At nang sinabi ni Kristo na ang pinakamabigat sa mga batas ay ang: Katarungan (justice), Kabutihan (mercy) at Pananampalataya (faith) sa Matthew 23:23, kailangan itong isabuhay. Isa itong realidad na kapag nakinig ka sa mga praise at worship songs ngayon, halos hindi mo marinig ang anumang pagpo-proklama tungkol sa Katarungan (Justice).

Bakit po kaya? Tingin ko dahil marami sa atin ay gumagaya sa American worship songs at ang American worship songs ay hindi nagsasalamin ng social conditions natin sa Pilipinas.

Sa America at much of Europe, nabawasan na nila ang problema ng structural injustice. Meron silang professional investigative force, police force, prosecution at judiciary. Sa atin pong bansa, masasabi nating nasa infancy pa lang tayo sa pagtataguyod ng mga institusyon ng katarungan.

Sa America at lalo na sa Europe, nabawasan ang malaking economic injustice. Maraming European countries na nag-adopt ng socialism sa kanilang economic programs. Ibig sabihin po, kahit walang kakayanan na yumaman upang sagutin ang maraming pangangailangan—sa housing, health, education at old age—sasagutin ng collective social wealth ang mga needs na ito.

Dahil hindi na poverty at lack of opportunities ang major concerns nila, ang issues of injustice na kailangan nilang pag-usapan ay nag-iba na rin—racial injustice, treatment of migrants and refugees, at identity issues. Kaya hindi mo makikita ang mga pangunahing panaghoy ng mga Pilipino sa worship songs nila.

Ano po ang mga pinakamabibigat na injustice issues sa atin? Pang-aabuso ng kapangyarihan at pagtatanghal sa makapangyarihan bilang mga idolo at hari-harian ng bayan. Masidhing kahirapan dahil sa korapsyon. Paggamit ng batas (mapangsiil na batas, mahinang piskalya at hudikatura) at armed units ng pulis at militar upang takutin ang mga lumalaban para sa katarungan at patas na pagtrato sa tao.

Ang mga awit na humihingi ng Katarungan ay nag-uumapaw na tema sa mga Awit ni Haring David, Solomon at mga mangangawit ng templo. Hindi mo makikita ang material prosperity promises dito. Vindication sa mga inaapi na nagtitiwawala sa Diyos ang umaalingawngaw dito, at kondemnasyon sa mapang-aping makapangyarihan.

Ngayong 2022, magandang ihambing natin ang ating mga ipinapanalangin at kinakanta sa ating mga samahan, sa tema ng maraming Bible passages. Habang nagbababad tayo sa Salita ng Diyos, makikita natin ang Dakilang Pagmamahal Niya na hitik ng Katarungan!

Mapagpalang araw po sa inyong lahat! 

SHARE