IISA LAMANG ANG AWTORIDAD NG KAPULISAN–ANG PANGALAGAAN ANG KALIGTASAN AT KAPAYAAN NG TAUMBAYAN

By Maria Lourdes Sereno

March 12, 2021

Walang ibang papel ang kapulisan kundi ang pangalagaan ang kaligtasan at kapayapaan ng taumbayan. Hindi ang pumatay ninuman, anuman ang paniniwala o kasalanan sa bayan. Maaari lamang silang sumingil ng buhay kung ang buhay nila ay nanganganib sa sagupaan ng pwersa at armas. Imoral at ilegal ang pumatay dahil lamang ang mga pinaslang ay naniniwala sa Komunismo, o kaya ay nasangkot sa kriminalidad. Uulitin ko, malaking kasalanan sa batas at sa Diyos ang pagkitil ng kapulisan ng buhay maliban na lamang kung ang buhay niya o ng iba ay kailangang iligtas sa mismong sagupaan. Hindi man lamang maaaring sabihing “Nanlaban Kasi!” ang dahilan.

Ang pagpalag sa lehitimong aresto ay magdudulot ng karagdagang kaso sa inaaresto, ngunit ang mas malaking krimen ay ang pagpatay sa inaaresto, maliban na lamang kung hindi ito naiwasan upang huwag masawi ang arresting officer. Sa madaling salita, kinailangan bang patayin ng pulis ang inaaresto? Hindi ba maaaring pinaputukan lamang sa paa?

Philippine Constitution
Illustrated by Kelly

Napakaraming ebidensya na nakuha sa oral hearings sa Korte Suprema, at sa United Nations, na walang safety guidelines na pinapatupad ang kapulisan noong inilunsad ang Oplan Tokhang at Double Barrel, upang iwasan ang unnecessary deaths. Nasundan na ang mga oplan na ito ng iba pang oplans, na parang ang intensyon ay lipulin ang mga maka-kaliwang aktibista. Ang tanong ay hindi: “May ebidensya ba kayo na ang gobyerno ay nagpapapatay ng tao na labag sa batas?” Kundi: “May naipakita na bang track record ang gobyerno na nag-iingat sila kaya’t naiiwasan ang anumang ilegal at di-makatarungang pagkitil ng buhay?”

Higit sa usaping legal at accountability sa taumbayan, ay ang malalim na usapin ukol sa accountability sa Diyos. Walang Pilipinong hindi mananagot sa ginawa niya o di-ginawa sa mga panahong ito. Lalung-lalo na, kung siya ay nagsasabing Kristyano siya. Sa mga mahal kong pastor at pari, saan po napupunta ang ating mga tupa? Nagagalak po ba sila at pinapalakpakan ang walang humpay na patayan? Manhid na po ba ang mga tupa ni Kristo sa dugo sa ating mga kalye? Hindi po ba natin naaalala na para sa bawat Pilipino ay inialay ni Kristo ang Kaniya mismong dugo upang tayo ay magkaroon ng tunay na pagmamahalan, hindi patayan, sa ating bayan?

Mga magulang at guro, ano po ang maaaring leksyon na napupulot ng ating mga anak ngayon? Na puede silang sumagot: “My daddy is a policeman?” at ma-witness mismo nila kung paano pumatay ang kanilang mga ama ng ganun-ganon na lamang? Paano po tayo nakarating sa ganitong panahon? Ano ang tinuturo natin sa ating mga simbahan? Nakakakilabot isipin ang sagot sa mga tanong na ito.

Sa mga naulila, tanggapin po ninyo ang aming pakikiramay. Sa mga network at pamilya ng kapulisan, ipagdasal po natin silang lahat. Ngayon higit na nanganganib ang kapulisan pagkat nagtatanong na ang bayan: “Ano pa ba ang pakay ng kapulisan sa ating bayan, kung sila mismo ang nagpapahamak sa ating kaligtasan at kapayaan?”

SHARE