SINO PO BA ANG DAPAT MAGPATUNAY? YUNG APLIKANTE SA TRABAHO O YUNG EMPLOYER NA MAG-EEVALUATE?

By Maria Lourdes Sereno

Philippine History

Binabaligtad po nila ang mga roles ng taumbayan at mga kandidato sa darating na halalan. Ang role ng Pangulo ay public servant, o lingkod-bayan. Ang mga botante ang mag-e-evaluate ng mga aplikante para sa ganung posisyon, base sa background, character, competence, skills set, at kung paano nila proposed na gagampanan ang role ng pinaka-prominenteng lingkod-bayan.

Pero ginagawang uto-uto o kasangkapan lang ang taumbayan for selfish ambitions sa ganitong mga argumento:

1. Tingnan daw ang track record ng ama sa pagpapagawa ng infrastructure. Iyan ang concrete achievements, kaya daw iboto dapat ang anak. I-credit ang lahat ng achievements ng ama kay Bongbong, pero huwag iyung mga kasalanan ng ama. At, hindi daw kasalanan ni Bongbong kung marami siyang namana sa ama, kahit saan pa nanggaling ang mga ito. “Inggit lang kayo”, sabi pa nila. Hindi po ba, sobrang tabingi at wicked ang argumentong ito? Pero paulit-ulit po nila itong sinasabi, script nga po.

2. Huwag daw dumaan sa EDSA at sa lahat ng kalyeng naipagawa nung pangulo si Marcos, ang lahat ng may pintas kay Marcos. Sa kaniyang pagawa ang EDSA. At huwag rin daw kayong sumahod ng 13th month pay, kasi kay Marcos na batas iyan. Iyan po ay saksakan ng walang-dignidad na argumento. Parang lahat pala ng Pilipino, pinapalabas nilang palamunin lang ng Marcos family, samantalang pera ng taumbayan ang pinanggawa sa mga projects na yun.

3. Aniya pa nila: “The past is past, ang kasalanan ng ama, huwag singilin sa anak. Hayaan na lang ang lahat sa korte.” Hindi nila kayang sabihin ang logical na susunod na mga tanong:

  • Sino ba, kundi ang pangulo, ang nag-a-appoint sa lahat ng PCGG Commissioners na kailangan pang bawiin ang more than P125 billion na Marcos ill-gotten wealth?
  • Sino ba ang magre-represent sa PCGG at Republic sa ganyang pagbawi ng ill-gotten wealth kundi ang Solicitor General na ia-appoint ng presidente?
  • Sino ba ang mag-a-appoint sa lahat ng vacancies sa Sandiganbayan at Supreme Court na magde-decide ng Marcos ill-gotten wealth cases kundi ang susunod na presidente?

 

Kung ang isang prospective na kandidato, halos walang maipakita kundi ang family history niya, na napakadaming kabuktutan, usually po, mananahimik na lang ang pamilyang iyun, para hindi na muling maungkat ang mga atraso sa bayan. Pero iba po ang nangyayari, iba ang tingin nila sa Pilipino. Ang tingin ng pamilyang ito, kayang tuloy-tuloy na pagsinungalingan ang taumbayan. Mukhang napakalakas ng confidence nila sa sinabi ni Imelda, na hindi ang katotohanan, kundi ang perception ang realidad (Kingmaker movie).

Kaya ang tanong, bakit gustong bumalik sa pwesto kung ayaw harapin ang katotohanan ng kasaysayan? Kaya ba, parang binubura ang collective memory at records nating mga Pilipino? Papayag ba tayong madaig ng mga gawa-gawang YouTube at Tiktok videos? Pag-isipan po natin ito nang maigi. What is at stake here is our identity, our collective memory and our national soul.

SHARE