SINUMPAANG TUNGKULIN NA IPAGTANGGOL ANG HUMANITY, BAKIT TATAKASAN?

By Maria Lourdes Sereno

Nabuo ang ICC sa kagustuhan ng mga bansa na hindi na muling maulit ang hindi makatarungan at malawakang paglipol ng mga tao, gaya ng naranasan ng mga Hudyo sa kamay ni Hitler noong World War 2. Ang prinsipyo ng genocide o mass murder ng isang lahi o grupo ay labag sa paniniwala nating mga Kristiyanong Pilipino, kaya buong pagmamalaki nating binabalikan ang ginawa ni Pangulong Manuel Quezon na pagsalba sa more than 1,000 Jews noong World War 2. Kaya rin naman isa tayo sa mga bansang naging enthusiastic sa pagpapatayo ng International Criminal Court. Bakit ngayon ay bigla nating tinatalikuran ang alam nating tama?
 
Ang mandato po ng ICC Prosecutor na binigay ng ICC ay hanapin ang mga ebidensya na magtatatag ng guilt o innocence (exonerating evidence) ng mga inaakusahan. Ibig sabihin po, ang mga opisyales na napangalanan na, gaya nina Pangulong Rodrigo Duterte, Senator Bato dela Rosa, at Secretary Vitaliano Aguirre, at papangalanan pa, ay hahanapan pa rin ng paliwanag. Doon ay pwede nilang ibigay ang mga depensa nila, na noon pa naman nila inuulit-ulit sa publiko. Siguradong handa naman silang ipresenta muli ang kanilang mga paliwanag sa ICC. Kaya hindi kailangang tumakas sa ating treaty obligation.
 
Philippine Constitution
 
Kung wala palang planong sumunod sa mga batas, kasama na ang pandaigdigang kasunduan—gaya ng pangako na pipigilan ng Pilipinas ang paglaganap sa teritoryo nito ng crimes against humanity—bakit pa tumakbo para sa mataas na posisyon sa bansa? Gayong plano palang baliin ang sinumpaan na itataguyod ang Konstitusyon at mga batas (see President’s Oath in Article VII, section 5 of the Constitution)? So sa simula pa, pagpapanggap lang ba ang binigkas na oath of office?
 
May mga simbahan na nananalangin na isalba ang Pangulo sa pagsisiyasat ng ICC. Nag-covenant po tayo sa ilalim ng treaty na nagtayo ng ICC na hindi tayo gagawa ng “crime against humanity” gaya ng mass murder ng isang class of persons, halimbawa po, mga drug addicts. Nagmula po ito sa Christian belief ng kahalagahan o value ng buhay ng tao. Kalakip ng tungkulin ng mga nanumpa bilang opisyales ng gobyerno ay ang pangakong tutuparin ang mga kasunduang internasyonal ng Pilipinas, gaya ng ICC. Paano naging kaaya-ayang panalangin ang tumakas sa kasunduang pangangalagaan natin ang ating kapwa?
 
Maraming stories of redemption na nanggagaling sa pagharap sa consequences ng nagawa ng isang tao. Very powerful nga ang ganitong mga kwento. Ang nagpapahina sa power of redemption ay yung mga katuruan na pinagtatakpan ang malalaking kasalanan sa lipunan at yung nagpapamanhid sa kunsyensya at damdamin ng tao para sa mga naaapi.
SHARE