TAYO PO AY MAY KAKANYAHAN, SARILING EXPERIENCES, TALENTO AT BIYAYA, MAY ORIGINALITY NA MAAARING GAMITIN UPANG UMANGAT ANG BAYAN

By Maria Lourdes Sereno

Integral Faith

Hindi po natin kailangang kumopya ng galaw sa ibang bayan. Hubarin po natin ang bumabalot sa ating isipan na kailangan nating magtunog, magmukha o mag-amoy Hollywood, Korean telenovela, o kaya ay maging sing-tunog ng pulpito ng mga Amerikano, upang maging “kwela” o “patok.”

Kaya po ng Pilipino na mag-isip ng paraang orihinal o angkop sa kanila.

Noon pong ako ay estudyante sa UP College of Law, nagsulat po ako ng isang artikulo na may pamagat na, “The Interface between National Land Law and Kalinga Indigeous Law.” Doon ay sinalansan namin ng aking kaklase na si Roan Libarios ang pagiging mas angkop ng sistemang katutubo ng mga Kalinga sa pag-aallocate ng iba’t-ibang klaseng kalupaan sa komunidad nito, kaysa sa paggamit ng sistemang Torrens titling. Ito ay sa kadahilanang ang mga katutubong Kalinga ay kinikilala ang communal farming at pasture lands na sama-samang binubungkal, gayundin ang family plot na malapit sa family home at mga madaling pagtaniman ng kinakailangang gulay o paglagakan ng domestic at household animals, at ang mismong bahay ng pamilya. Ang demarkasyon ay ang mga natural boundaries gaya ng batis, kagubatan at mga pangunahing geological o terrestrial landmarks. In contrast, ang sistemang Torrens na ayon lang sa mga dire-diretsong imaginary lines sa lupa na kuha sa mga instrumento, ay walang kinalaman sa contour o gamit nito sa tao o komunidad ng lupang sinusukat.

Integral Faith

Makalipas ang tatlumpung taon at noong ako ay Chief Justice na rin, pinag-aralan ko ang posibilidad na ang mga salaysay ng mga testigo sa korte ay mailahad nila sa kanilang sariling wika. Ito ay upang maiwasan ang parang “artipisyal” na pagsasa-Ingles ng mga salaysay na kadalasan namang napaka-awkward kasi hindi native speakers ng Ingles ang mga court translators. Marami pang bad grammar na mapapansin sa mga transcript of stenographic notes.

Ang mga ito ay dalawa lamang sa mga obserbasyon na nagpapakita ng indikasyon na mukhang dapat maghanap ang mga Pilipino ng angkop na pamamaraan o sistema na magiging swak sa kanilang mga pangangailangan sa lipunan. Halimbawa, sa sitwasyon ng upland Kalingas, mas angkop at makatarungan ang indigenous land-allocation system para sa kanila. Sa sitwasyon ng court proceedings, obvious na dapat hanapin ang mas respectful at accurate na sistema sa pag-record ng salaysay ng mga court witnesses.

Ganoon din dapat sa mga katuruan sa ating mga simbahan o kapatiran. Paano tayo makakapagbigay ng thanksgiving as a nation kay Lord kung hindi naituturo sa ating mga churches, eskwelahan at libro ang mga experiences, giftings, at talento ng mga Pilipino? Hindi nga nai-didiscuss na we should be rightly proud about how Filipinos throughout our recorded history have always wanted their identity recognized, hindi lamang sa larangan ng art at music, kundi pati narin sa lahat ng ating revolutionary struggles o mga pakikibaka sa lipunan.

Mahalagang malaman natin na ang intensiyon ng anumang mananakop o naghahari-harian ay upang magapi at kontrolin ang kanyang sinasakupan. At ito ang isa sa mga pwersa na dumadagdag sa hindi-pagkakaintindihan ng mga Pilipino.

Kaya kailangang magkaroon talaga ang mga theologians, kaparian, kapastoran ng strong desire for a theology na mas kayang tugunan ang sitwasyon ng mga Pilipino. Gaya nga ng dati ko nang nabanggit sa isang post, ang Amerikanong believer ay hindi kumakalam ang tiyan at may bubong na nasisilungan. At sa pangkalahataan, functioning ang kanilang justice system. Kaya hindi mo gaanong maririnig ang usapin ng hustisya sa kanilang diskurso. Kung susuriin, ang kalagayan ng mga Pilipino ay malayo sa ganyang kondisyon.

Kung ang pagpapakilala ni Hesus sa sarili Niya sa Luke 4:18, ay sinugo Siya upang ma-proclaim ang “good news to the poor,” dapat nating tanungin, paano ba nagiging mabuti ang isang balita para sa naghihirap na mamamayan sa Pilipinas? Sapat na ba ang sabihin lamang na dadalhin sila sa langit dahil sa paniniwala kay Hesus? Hindi po ba dapat, kapag natanggap na natin ang ating kaligtasan o salvation, dapat ang bunga ng Banal na Espiritu ay makikita sa ating mga gawa o good works? Parang may kulang, ano po?

Sabi sa James 2:15-16: “If a brother or sister is naked and destitute of daily food, and one of you says to them, ‘Depart in peace, be warmed and filled,’ but you do not give them the things that are needed for the body, what does it profit? Thus also faith by itself, if it does not have works, is dead.”

Dahil masidhing kahirapan ang isang nakakapilay na problema sa Pilipinas, nararapat tukuyin ng mga simbahan, kung paano ito maibsan. Malinaw sa mga pag-aaral na at least 20% at maaaring umabot sa 40% ng national budget ay napupunta lamang corruption. Iyong perang nawawala, dapat hanapin, at pigilan ang mga mawawala pa mula sa kaban ng bayan. Ito ay perang magiging bahagi ng mabuting balita sana para sa mga naghihirap nating kababayan sapagkat mapupunta ito sa kanilang food, medical at educational na pangangailangan at pag-angat.

Hindi mo maririnig ang ganitong mga hinaing o concerns tungkol sa budget at poverty sa mga American churches kasi hindi naman present ang ganitong antas ng kahirapan at korapsyon sa kanila. Ngunit ang mga isyung ito ang sumisigaw na katotohanan at reyalidad sa Pilipinas na nagtutulak sa maraming Pinoy na masangkot sa krimen at maging ang pagbebenta ng sarili kasama na ng kanilang mga anak.

Nakakabiyak ng puso na ang problemang kinakaharap ng mga Pilipino ay survival at hindi upang maging kumportable sa buhay.

Ang pangunahing pinagsisikapan ng karamihan ay ang pagkakaroon ng tsansang mabuhay laban sa kagutuman at pagkakaroon ng access sa mga pangunahing pangangailangan kagaya ng pagkain, damit at tirahan.

Maganda pong ipakita ng mga Kristiyano na we are ready to take up our crosses and die daily. Bitbitin po natin as the Body of Christ ang pag-iisip at pagsasagawa ng paraan upang ipakita na hinahanapan natin ng solusyon ang problema ng pamilyang Pilipino na masidhing dumadaan sa kahirapan at iba pang klase ng kagipitan. Kasi, ganoon din ang approach ni Kristo–yung pinakamatitinding condemnation Niya ay para sa mga nagtuturo ng relihiyon na hindi naman tumutulong para pagaanin ang pasanin ng mga naghihirap (Matthew 23). Worse, sila pa aniya ni Hesus, ang nagtutulak sa mga mananampalataya palayo sa Kanya.

Ano po ang mas matimbang sa puso ni Hesus?

Sabi Niya: “Woe to you scribes and Pharisees, hypocrites! For you tithe mint, dill, and cummin, and have neglected the weightier matters of the law: justice and mercy and faith (Matthew 23:23).

So ang weightier matter sa churches sa Pilipinas, na dapat pagtuunan ng pansin ayon kay Kristo, ay Justice, Mercy and Faith, in the context of a nation where there is so much poverty and corruption. At hindi tayo dapat malula sa laki ng problema, sapagkat naririyan at palagi nga nating kasama ang Panginoong Hesukristo habang tinuturo natin ang katotohanan ng Kanyang mga Salita sa ating kapwa. Alalahanin natin ang pangako Niya: “Teaching them (the nations) to obey everything that I have commanded you. And remember, I am with you always, to the end of the age” (Matthew 28:20). 

SHARE