ANG CALL SA CHURCH AY MANGUNA SA PAGTATANGHAL AT PAGTATATAG NG CHRISTIAN PUBLIC ETHICS

By Maria Lourdes Sereno

Napakasipag nating magturo ng Ten Commandments, ngunit hanggang panloob na aplikasyon lamang sa personal na buhay ng mga miyembro ng parokya o fellowship natin. “Huwag kukupit ni isang coupon bond sa opisina!” ang paalala natin sa kapatiran.

Parang may sobrang mali, dahil ang mas napapansin natin ay ang mga ganoong pribado at maliliit na bagay, ngunit ayos lang sa atin ang bilyon-bilyong nakawan sa pamahalaan! Kahit sino pong observer ang makakaalam ng sitwasyon na ito, agad nitong sasabihin na ang mga Pilipino ay may malaking “damaged culture” o “inauthentic faith”. Parang yung sinasabi ni Hesus na hindi Niya kilala ang workers of wickedness kahit pa tumatawag sila sa pangalan Niya. Iyan po ang maaaring malapit na paglalarawan sa mga taong nag-iidolo pa rin sa mga magnanakaw sa gobyerno.

At paano po tayo nagiging workers of wickedness sa pagsuporta sa mga magnanakaw sa gobyerno? By calling evil good, at good as evil. Iyan ay mahigpit na kinokondena sa Isaiah 5:20. Ibig sabihin, sa isang mananampalataya sa Diyos, ang masama ay masama, at hindi pinapalusot na okay lang ito.

Ang ganyang pagkilala sa mga pulitikong bilyon-bilyon ang ninakaw ay pagtawag ng kasamaan bilang kabutihan. At kapag tinatawag na “rebelde” ang mga tao na humihingi ng pagtatapat o accountability sa mga opisyales, ay pagtawag naman sa kabutihang ginagawa nila, bilang isang kasamaan o paglaban sa mga nakaupo sa trono.

Integral Faith

Remember po, sa Isaiah 1:17, TO DO GOOD IS TO DO JUSTICE, and TO REBUKE THE OPPRESSOR! Ibig sabihin, when you call good as evil, those who are asking for accountability in government, you are participating in the works of wickedness. Obvious po, diba? Nananawagan na nga ang mabubuting miyembro ng simbahan na ibalik sa bayan ang nakaw na yaman, pinipigilan niyo pa?

Sinasabi po natin na Jesus came to redeem all of life (Romans 8:20-22). At inuulit pa natin ang Great Commission Niya to disciple all nations in His teachings (Matthew 28:19).

Kung ang lahat ng aspeto ng buhay ay ire-redeem ni Jesus, at kung ang discipleship ay sa buong bansa, eh di dapat ang simbahan ay nagtuturo sa pamahalaan kung paano mamuhay ayon sa teachings ni Jesus Christ.

Bakit po hindi rin natin ibahagi ang lahat ng ethical teachings natin sa mga nanunungkulan sa gobyerno? Wala dapat ni isang magnakaw. At ang mga magnanakaw, huwag iboto! At iyong humahawak ng nakaw na yaman, dapat nilang isauli ito dahil hindi naman sa kanila iyon, kundi sa taumbayan.

Kung gagawin lamang po natin ito, napakaganda po sana ng mangyayari. Hindi na tayo parang may sakit na schizophrenia o mala-halimaw na may dalawang personalidad. Magkakaroon na tayo ng integridad at hindi gaya ngayon na nagdududa ang mga tao kung totoong Kristiyano nga ba talaga ang maraming Pilipino.

Kailangan po, na ang lahat ng nagsasabing nagpapasakop sila kay Kristo ay manguna sa pagtatag ng standards, ng Christian Public Ethics. Ito po kumbaga ay parang dekalogo ni Andres Bonifacio. At ito ay dapat na agarang maituro sa ating mga tahanan, simbahan at sa mga paaralang bukas dito. Habulin natin ang kakulangan natin. Punuan po natin ang kauhawan ng bayan para sa integridad sa pamahalaan. 

SHARE