Saan Mas Takot ang Kristiyano?
Sa Addict o sa Paglabag sa Utos ng Diyos?
By Maria Lourdes Sereno
Marami-rami na rin akong nakilalang mga pastor at pari na dating mga adik sa droga. Nariyan si Father Flavie Villanueva at si Pastor Steve Mirpuri. Ngunit sa kasalukuyang panahon, imbis na droga ang inaasikaso nila, pagpapakain ng mga tupa ni Hesus ang kanilang inaatupag. Ilan lamang sila sa mga buhay na patunay ng pagiging ilaw sa madidilim na lugar at preservative na asin sa nabubulok na lipunan. Sino nga naman ang kayang magsabi ngayon, na sana namatay na lang itong mga pastol na ito? Ilang daang homeless at poorest of the poor ang pinagsisilbihan nila ngayon, at ito ay dahil buhay sila at hindi pinagpapatay dahil naging adik sila sa ipinagbabawal na gamot. Lalo na’t buong pagpapakumbaba at kagalakang ibinabahagi nila sa lahat, na gaya nila, ang bawat tao ay may second chance kay Hesus.
Kung kaya naman, napakahirap intindihin ng mga nagsasabing Kristiyano daw sila pero sabay-bigkas naman ng, “buti nga mamatay na ang mga adik.” Para silang mga bulag sa katotohanan ng misyon ni Hesus na pagbibigay ng pag-asa sa lahat ng mga nawawala sa tamang landas, pagbibigay katagumpayan sa mga “failures” sa buhay, at pagkalinga sa mga broken hearted. Parang nagbibingi-bingihan sila sa alingawngaw ng iyak ng mga naulila at balo, at ng dugong humihingi ng hustisya!
Kailangan na natin ng heart examination, o baka naman ang kailangan na talaga natin ngayon ay heart replacement.
Kasi nga, hindi na compatible o tugma ang pagiging maawain o compassionate ng mga Pilipino at ang pagmamahal natin kay Hesus sa napakataas na suporta sa drug war na kumitil na ng nakaparaming buhay ng mga tinaguriang “drug suspects”. At ito ay taliwas sa gusto ng nakararami na buhay sanang mahuli ang mga ito. Maliban na lamang kung tayo pala ay hindi naniniwala na kayang baguhin ng Diyos ang ating lipunan at iligtas tayo sa kriminalidad.
Sinasabi sa Scriptures na tayong mga Kristiyano ay mga parte ng iisang katawan (members of one body), at kung may pinagdaraanang karamdaman ang isa, halimbawa naging biktima ng isang drug addict, nakikiramay ang buong simbahan sa kanya. Gayundin naman, inaasahang makikiramay tayo sa pamilya ng mga biktima ng EJK, totoong drug addict man ito o napagkamalan lamang. Subalit sa ating nakikita ngayon, sa halip na damayan ay tinutulak pa ang mga pamilyang biktima ng EJK sa labas ng “Christian kulambo. Ayaw na kasing madamay pa o mapagkamalan at maisama sa drug list. Yan ang paulit-ulit kong naririnig ngayon–ang mga pamilya ng EJK victims ay nagiging biktima twice over. Nawalan na sila ng mahal sa buhay, hindi pa nakikiramay ang kanilang mga kapitbahay at kaanak. Nakabibiyak po ng puso na marinig ang ganyang hinagpis mula sa mga naulila ng EJK. Pakiramdam po nila, sila ay pinagtatabuyan na para bang may nakakahawang sakit na ketong.
Hindi tayo ganito noon. Dati-rati, naghahalo ang ating mga luha at sipon sa pagtangis sa bawat namamatay dahil sa krimen. Madali sa ating makidalamhati sapagkat alam natin ang hapdi ng sugat sa pagkawala ng isang taong minamahal, lalo na kung ito ay nangyari sa marahas na paraan.
Dahil sa drug war, ating natuklasan na mayroong mali sa ating “pambansang kaluluwa”.
Pinili natin ang:
- maniwala sa assurance ni Pangulong Duterte na siya lamang ang mananagot, sapagkat willing siya to “go to hell for you,” at dine-deadma natin ang babala ng Bibliya na lahat tayo ay mananagot sa mga patayang nangyayari;
- sumang-ayon na ang buhay ng mas nakararami (tayo yun) ay mas mahalaga sa buhay ng mga namatay o mamamatay pa (na maaari namang inosente pala); at
- kinalimutan natin na ang ating Panginoon ay tinatawag ding Jehovah Rapha, “The God who heals.”
Una, alalahanin natin na hindi tayo maaaring magkibit-balikat lamang at magkunwari na wala tayong responsibilidad sa malawakang patayan na nangyayari ngayon, lalo na ang mga simbahan.
(Gen. 4:9-11; Gal. 6:1-3, 2 Cor. 6:3; Col. 3:12-17)
Pangalawa, ang kaisa-isang nawawalang tupa ay hinanap ni Hesus nang buong pagpupursigi (Luke 15:1-7). Hindi rin Niya itinaboy ang isang demon-possessed na tao bagkus ay pinagaling Niya ito at hindi itinuring na “salot sa lipunan” kagaya ng mga adik.
(Luke 8:26-39, Mark 5:1-20)
Minabuti pa ni Hesus na malugi ang isang piggery business para pagalingin ang isa lamang kaluluwa. Tandaan natin na iniutos Niya na sumanib sa 2,000 heads of swine ang mga demonyo na sumapi sa demoniac, at nagpakalunod ang mga ito sa lawa. Marahil, humigit-kumulang, umabot sa PhP6M ang lugi ng may-ari ng babuyan, ngunit hindi maitatanggi sa kwentong ito sa Bibliya na walang katumbas ang buhay ng isang demoniac. Parang tayo po, buhay ni Hesus ang naging kabayaran para sa kaligtasan nating mga makasalanan. Kaya’t paano po natin masasabing mas mahalaga ang buhay natin kumpara sa buhay ng mga pinatay at pinapatay ngayon?
Pangatlo, naniniwala tayo na ang patay ay kayang mabuhay, ang paralitiko ay kayang tumindig, ang tuyotw
(John 11:17-44; Mark 2:1-12; Mark 3:1-6)
Ang bingi ay nakarinig na muli, ang bulag ay muling nakakita, at ang libu-libong gutom ay nabusog sa lilimang tinapay lamang (Matt. 11:1-6; John 6:1-14). Ito po ang misyon ni Hesus, na misyon na rin natin (Luke 10:25-37). Nang sumang-ayon tayo sa “Kill, Kill, Kill,” tinatanggal na po ba natin kay Hesus ang ganitong misyon at ibinibigay na lamang natin kay Pangulong Duterte ang papel na taga-ayos ng lipunan kahit sa maling pamamaraan?
Kaya tayo tinawag na asin ay upang asinan ang matabang na panlasa ng mundong ang pagiging pragmatiko at praktikal lang ang alam, at hindi ang creativity at miracle powers ng Diyos.
Kung may panukala na labag sa utos ng Diyos, tungkulin nating pigilan ang ikabubulok ng ating kaluluwa, ipakita sa pamahalaan ang “more excellent way of love” ni Pablo (1 Cor. 12:27-31, 1 Cor. 13), gaya ng maraming matagumpay na community-based rehabilitation programs ng mga faith communities.
Kaya tayo tinawag na ilaw ay upang liwanagin sa mga nagpa-plano sa dilim ng mga malawakang kasalanan gaya ng para-bagang sistematikong patayan (paano aabot ng libu-libo kung hindi talaga sistematiko?), na ang ilaw ni Hesus ay kayang sagipin ang ating lipunan mula sa kriminalidad.
Dapat po ay ipakita natin sa kanila ang mga talata sa Bibliya na ang pagdanak ng dugo ay magdudulot ng sumpa sa bayan, at walang sinumang makaliligtas sa responsibilidad kapag dumating na ang araw ng singilan (Num. 35:33).
Nabisita ko po ang isang malaking komunidad sa Luzon na binubuo ng mga pamilya ng mga dating drug addicts at mga palaboy o yaong walang matirhan. Ibang klase ang “aura” doon, ang mga nagpapatakbo ay mga dati ring kriminal na sumuko at mga nagbagong buhay, hindi sa piitan ng lipunan kundi sa pag-ibig ni Hesus. Kamangha-mangha ang mga testimonya ng mga residente at ng management, pinapatakbo ito ng mga “broken people,” ng mga tinuturing na “patapon” sa lipunan. Sa black-tiled walls malapit sa chapel, nakalimbag sa brass ang pangalan ng ilang mga tao. “Sino ang mga taong yun”, tanong ko. “Sila ang mga homeless na minahal ng aming komunidad. Hiningi namin ang mga bangkay nila sa mga ospital o punerarya dahil inabandona na sila ng kanilang mga pamilya, at binigyan namin sila ng maayos na burol at libing. Sa ganitong paraan, pinararangalan namin sila,” ang sagot sa akin.
Sa tingin ng komunidad na ito, ang mga “abandoned homeless” o ang mga taong tinalikuran ng lipunan ay tulad ng mga pulubing pinakamamahal ng Diyos, kaya’t nang sila ay pumanaw ang mismong mga anghel ang nagkanlong ng kanilang kaluluwa paitaas (ayon kay Hesus sa Luke 16:22) Tinalikuran man sila ng kanilang pamilya at ng lipunan, minahal sila ng kanilang kapwa sa komunidad na ito, at ang alaala nila at mga pangalan na nakaukit sa brass plates, ay pinaparangalan at patuloy nilang ipinagpapasalamat sa Diyos. Tunay nga na bawat isa sa kanila ay ginawa sa wangis ng Panginoon, at para sa bawat isa sa kanila, inialay ni Hesus ang Kaniyang buhay (Gen. 1:26-27; Ps. 139; Isa. 43:1-7; John 10:14; Rev. 3:12).
Ano ang aking takeaway sa pakikisalamuha ko sa komunidad ng mga broken people na ito? Natutunan ko na hindi pala kailangang mamatay muna ng sinuman bago nila maranasan sa unang pagkakataon ang Paraiso o langit. Sa isang makapangyarihan at nag-uumapaw na pag-ibig ng mga tao sa komunidad na ito na siyang nagmumula kay Kristo at buong puso nilang ipinapadama sa kanilang kapwa, matatagpuan na pala ng tao ang langit sa lupa; naririto na pala sa kalagitnaan natin ang binhi ng Promised Land.