PANALANGIN PARA SA BAYAN
By Maria Lourdes Sereno
September 9, 2021
Panginoon, ipinapakita Mo sa amin ang kasu-kasuan ng mga namumuno sa amin sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Sabi po ng aming bayaning si Jose Rizal, “tal pueblo tal gobyerno” = kung ano ang mamamayan ay siya rin ang pamahalaan. Dahil po ba kami ay naging kasing-tigas na ng ulo ng mga Israelita noong sila ay nagpumilit na magkaroon ng hari gaya ng ibang bansa? At nang sinabi Mo kay Samuel na ito ay dahil tinanggihan Ka na ng taumbayan, o Panginoon, at hindi si Samuel ang tinanggihan. Na ang dahilan kung bakit ayaw na nila ng isang propetang nagtuturo sa kanila na manguna sa pamamalakad ng lipunan ay dahil ayaw na nilang pasakop sa Iyo, o Diyos.
Kung ganyan ang nangyayari sa amin, na kaya ganito ang pamunuan sa amin ay dahil sa katigasan ng aming ulo, at pagmamalaki ng aming puso, o Panginoon, gawin Mo ang kailangan upang ibalik ang aming bayan sa katinuan, pagkat parang nahihibang na ang tunog ng mga matataas naming opisyales.
Parang sama-samang nababaliw ang mga matataas na opisyales ng pamahalaan ngayon, o Diyos. Para kaming nakaririnig ng mga Herodes na pumapalakpak ang mga tenga sa papuri ng madla at doon Mo siya ini-strike down dead. Para rin kaming nakakakita ng mga Nebuchadnezzar, noong Siya ay nabaliw, kumakain ng damo, humaba ng walang humpay ang buhok at kuko hanggang siya ay nag-animong hayop. Ano pang mas kasindak-sindak ang aming makikita sa aming mga opisyales o Ama? Ano pang kahayukan sa salapi at kapangyarihan ang mabibisto o Ama?
Ama, kaawaan Mo kami. Kailan pa ang taumbayan, lalo na ang lahat ng mga mananampalataya, magigising at magsisisi sapagkat napakalayo na namin sa Iyong Imahe? Para nang mga hayop ang maraming naghahari-harian sa amin.
Patawarin Mo kami, Ama, nagsusumamo kami, kaming tumatawag sa Iyo sa pangalan ni Hesus. Patawarin Mo kami at dinggin Mo ang aming pagmamakaawa at ang aming mga luha. Patawarin Mo ang aming mga kababayan, ang aming buong bansa. Ibalik Mo sa katinuan ng isip ang aming mga pinuno at hayaan Mo silang magsisi at magbalik-loob sa kabutihan.
Ibuhos Mo ang napakalakas na ulan ng pagsisisi sa natitigang naming mga puso sa Pilipinas. Dahil Ikaw ay dakila at kami ay walang ibang matatakbuhan. Dahil Ikaw ay walang-sing banal at kami ay maruruming pulubi. Dahil Ikaw ay Ikaw at walang-kapantay, at kami ay hungkag at walang-kabuluhan maliban sa Iyong pagliligtas sa Amin.
Nakatirapa kami, umiiyak, nagsusumamo, sa bukod-tanging pangalang nagliligtas, sa pangalan ni Hesus. Amen.