I DON’T LOOK AT THE SIZE OF THE GIANT, I LOOK AT MY LIMITLESS GOD
By Maria Lourdes Sereno
Tayong humans, mahilig mag-categorize ng posible at imposible; usually naman, sablay tayo. Halimbawa, ang usual na mga linya na “hindi na mababago ang pagpapatakbo ng gobyerno at pulitika”, at “onli in da Philippines” ay nasasabi natin kapag dismayado na tayo sa mga nakikita natin sa paligid. Hindi po iyan ang gusto ni Lord—ang gusto Niya ay excited, hopeful at energetic tayo in working for a Philippines that is truly just and humane.
Malinaw sa akin na after Facebook and YouTube were launched and became popular, umarangkada na ang Historical Denialism o Distortions sa Pilipinas. Nagsimula iyon sa mga pekeng kwento tungkol kay Ysidra Cojuangco at Ninoy Aquino na umikot sa FB. Obvious po na hate campaign na iyon. Then sa mga small videos tungkol kay Ferdinand Marcos at sa mga programs at infrastructure niya. Maraming conspiracy theories na ipinakalat sa pagpapatalsik kay Marcos, dinamay pa ang World Bank, Vatican, CIA, etc.—na pinagkaisahan daw ng buong mundo ang mga Marcos. Itinanggi na libu-libo ang namatay at na-torture under Marcos. Eventually, ginawan nila ng mga fake videos showing Cory as super evil. Later on, pati na si Leni, after 2016, ginawan na rin ng fake videos. Nilagyan ng malisya ang pagka-biyuda nila. Kahit ano pa ang political preference ng mga Pilipino, masyado pa ring salbaheng gawain yung paggawa at pagkakalat ng mga sinungaling na videos.
Meantime, yung mga well-researched na libro tungkol sa history natin under Martial Law never made their way into public elementary and high school materials. Walang local language materials na accessible at libre sa taumbayan. Ingles at pang-college level lang, at hindi pa sa lahat ng kurso ipinapabasa ang mga babasahin tungkol sa Martial Law.
Kaya’t kung 1990’s pa nag-reestablish ng political at institutional network nila–sa political dynasties, local governments, judiciary, prosecution, legal profession, media and communications—masasabi nating 30-year political comeback campaign ito ng mga Marcos. Ang masaklap, it was right under the nose of progressive or democratic forces all along. At dahil hindi napansin, nag-erode ang tiwala ng taumbayan sa demokrasya at lalong naguluhan ang marami sa meaning ng accountability. Parang, dahil sa confusion at misinformation, mas ginusto ng marami na lunukin na lang kahit hindi totoo, basta’t sabihing “everything will be alright, babangon tayo.”
Ngunit sa naririnig ko, mas matalas na ang nagiging diskusyon ngayon ng taumbayan. Dahil malinaw sa lahat that something is terribly wrong in our country, mas maraming gustong sumisid sa malalimang usapan. I have met countless young people waiting for people whom they can believe who can tell them why we are where we are.
Iba na ang panahon. Panahon na ito ng malalimang pagsusuri, pananalangin, at pagsasabuhay ng pananampalatayang buo, hindi hinati-hati sa pangsimbahang usapin at sa panlipunang usapin. Kung sinasabi sa pulpito na tarok ng Diyos ang puso ng tao, at nais Niyang magkaroon sila ng panibagong pusong tapat sa Kaniya at sa kapwa, magtatanong ang mga nakikinig: Eh, bakit tayo sumusuporta sa mga magnanakaw, sinungaling at mamamatay-tao?
Kahit anong pagtatakip na ginagawa ng mga makapangyarihang pulitiko—malalalim at matatalas na ang mga tanong ng taumbayan ngayon. At mukhang hindi na sila pasusupil.