HINDI PARANG LUMANG KOTSE ANG KONSTITUSYON
By Maria Lourdes Sereno
Ang Konstitusyon ay hindi isang kasangkapan sa bahay o kotse na kapag nasira na ang mga pyesa ay kailangang nang palitan. Ito ay isang banal na kasunduan. Isang sagradong covenant ng mga taumbayan sa isa’t isa. Sa Konstitusyon nakalagay ang hangarin ng Sovereign Filipino People, ang kanilang pinakamatataas na mithiin para sa bayan gaya ng sinasabi sa Preambulo na pagtataguyod ng isang just and humane society.
Sa Konstitusyon nakasaad ang balangkas ng kapangyarihan sa Pilipinas kung saan ay ipinapakita na upang pigilan ang pang-aabuso ng mga naitalaga o inihalal na mga opisyales ay ipinapaalala sa kanila na ang lahat ng kapangyarihan ay galing sa taumbayan. At upang hindi lagpasan ang kapangyarihan na iyon, inilagay din doon ang limitasyon ng ganitong kapangyarihan—ang termino ng kanilang paghawak sa kanilang opisina, ano ang kanilang mga tungkulin at dapat gawin at ano ang mga ipinagbabawal.
Hindi ito pinapalitan basta-basta dahil lamang may kalumaan na. Bagkus, dapat na patunayan na ang mga tao ay tumupad sa mga alituntunin nito at gayon na rin ang gobyerno. Kung hindi kasi sumusunod ang mga tao sa mga nakasaad na kasunduan nila sa Konstitusyon, doon nagsisimula ang kaguluhan sa lipunan—gaya ng nakita natin nitong mga nakaraang taon. Kaya’t huwag po nating basta-basta sabihin na para lamang basahan na itinatapon ang Konstitusyon kapag nadumihan na. Sa halip ay iangat ito bilang sagradong kasunduan ng taumbayan kung saan ay itinatanghal ang kapangyarihan ng Diyos na gabayan ang bayang Pilipinas. Limi-limiin po natin, pag-aralan at suriin—huwag pong basta na lang apak-apakan at huwag panghihimasukan hanggang hindi pa po napag-aaralan nang husto kung ano ang ugat ng mga suliranin ng ating bayan.
Manalangin po tayo para sa masusing pag-uusap at pag-aaral tungkol sa kalagayan at mga problema ng bayan. Huwag pong padalus-dalos, sa halip ay pag-aralan po natin ang ating bawat hakbang. Salamat po.