ANG PAKIKIPAGLABAN PARA SA TAMA AY ISA NANG TAGUMPAY
By Maria Lourdes Sereno
Pakatandaan po natin, ang pakikipaglaban para sa tama, ay isa nang tagumpay. Ito ay pagtatanim ng binhi ng kabutihan. Ginigising nito ang mga kamalayang medyo nahihimlay. Pinapalakas ang loob ng mga nanghihina at nasisimulan nang mawalan ng pag-asa. Pinapatapang nito ang mga kapwa na gustong tumindig para sa katotohanan at kabutihan.
At ano nga ba ang ebanghelyo na naririnig natin? Na ang Diyos ay buhay at ito ang buod ng mabuting balita—na sasagipin Niya mula sa kadiliman ang bukas na magpasakop sa Kaniya. Ililigtas ang mga ito sa pagkagapi ng kaharian ng kasamaan—sa sariling kahinaan ng laman, sa tukso ng mundo at sa bulong ng diyablo.
At bibigyan Niya ng lakas at kalayaan na lumakad sa mga gawa ng kabutihan, upang tunay na maipakita ang pagmamahal sa kapwa. Dahil ang pagmamahal na ito ay galing sa pagmamahal sa Diyos.
Ito ang tunay, ang #IntegralFaith kung saan #TugmaLahat:
“For we are His workmanship, created in Christ Jesus that we should walk in good works, which God prepared beforehand that we should walk in them” (Ephesians 2:10).
Kapatid, and nilalakaran mo bang daan sa sibika at pulitikang pakikilahok ay landas ng kabutihan? Ang sinasamahan mo ba ay mga nagsusulong ng katotohanan, katarungan at katuwiran, mga bagay na hinahap ng Diyos sa lipunan? O ipinagtatanggol mo ang pagsisinungaling at pagnanakaw, mga kinasusuklaman ng Diyos na pumipigil sa pag-angat ng Kaniyang bayan? (Basahin po ang sumpa o paghadlang sa biyaya na inilarawan sa Isaiah 58 at 59).
Ang pagliligtas ni Hesus ay hindi lang kalayaan mula sa impyerno, ngunit kalayaan rin para tahakin ang landas ng mabuting gawain. Ang pagsulong ng kabutihan ay hindi pagtaas ng sariling kalakasan ng tao, kundi ang pagkilala na ang tao ay ginawa ng Diyos upang gawan din ng kabutihan ang kapwa.
Kung hindi nananahan sa puso natin ang matinding kauhawan na makita ang hustiya at kabutihan sa lipunan, ano ang pagnanasang ipinalit natin dito? Kapangyarihan? Pagsamba sa pulitikong iniidolo? Pag-aasam na tunay ang mga ginto o salaping naipangako? Paghahanap ng isang nakaraan sa kasaysayan na hindi naman nangyari?