Imposible nga ba ang Paninindigang Kristiyano?
By Maria Lourdes Sereno
Ang Kristiyanong nakaranas ng tagumpay at kabiguan sa kanyang pamumuhay sa lipunan ay may mga kwento na maibabahagi sa mga kapwa mananampalataya. Sa mga fellowships o simbahan, ang ating social engagements o ugnayang panlipunan ay hindi napag-uusapan. Kadalasan, ang mga Kristiyano ay naturuan ng kanilang mga pastor o pari man, na huwag makisali sa gawaing pulitikal o diskursong pambatas o polisiya. Ika nga, itago na lamang ang kanilang kasiyahan kay Kristo sa loob ng simbahan, at huwag ibahagi sa madla, maliban na lamang sa one-on-one evangelization; at kung ikaw ay isang church leader o evangelist. Dahil sa ganitong pananaw, ang mga kwento ng tagumpay sa buhay ay tinutulak patungong irrelevance sa iskwelahan at sa mga public discussions.
Nakalulungkot, at sa aking palagay ito ang dahilan kung bakit akala ng iba, ang mga Kristiyano ay walang maiaambag sa lipunan kundi sa usapin ng iilang issue lamang. Akala tuloy nila, single dimension ang utak Kristiyano.
Mula sa malulupit na gawaing pagano, ang Kristiyanismo ang nagdala sa sangkatauhan ng isang shocking belief na ang bawat tao ay mahalaga; at kaya pa nitong akayin ang lipunan sa mas mataas na antas ng pakikipagkapwa-tao. Simula noong ang mga unang tagasunod ni Kristo sa Roma ay nakikitang nag-aaruga ng mga sanggol na inayawan ng kanilang mga magulang, mga matatanda, balo, ulila at maysakit na inabandona, inisip ng dominant culture noon na may sira sa ulo ang mga Kristiyano. Bakit nga naman hindi nila maiisip ang ganoon, dahil ba ang mga patapon sa lipunan ang kanilang piniling ampunin, arugain at mahalin? Ang mga itinuring na basura ng lipunan ay pinahalagahan ng mga unang Kristiyano na animo’y mga hidden treasures.
Ang pagbabahagi ng mensahe ng Diyos na gustong magligtas sa buong sangkatauhan mula sa pagkabihag sa lahat ng mga tanikala, kasama na ang kadenang panlipunan, ay isang napakalaking gawain. Hindi ito gawain lamang ng mga church leaders, ngunit ng lahat na nakaranas ng realidad o buhay na pagkilos ng Diyos. Kalimitan ang usapin tungkol sa Diyos ay humihinto na sa “personal salvation” at hindi pinag-uusapan kung paano tutulungan ng Diyos ang mga nagtitiwala sa Kaniya na maging tunay na ilaw at asin sa lipunan. Maraming kwento sa kasaysayan ng Kristiyanismo na kung saan ang mga tagasunod ni Kristo ang nagpasimula ng panlipunang pagbabago. Nakakalungkot lamang dahil hindi naibabahagi ang mga ganitong kwento ng transpormasyon.
Ang pribilehiyo na ibinigay sa akin bilang dating Chief Justice ng Korte Suprema ay nagbigay ng isang perspektibo na galing sa macro o sa pinakamataas na antas ng kapangyarihan sa gobyerno. Mula sa ganitong perspektibo, kaya nating mag-usap tungkol sa katarungan sa isang foundational level, sa isang payak na paraan na mas maraming kababayan ang maaabot. Mga usapin ukol sa kapangyarihan at pananampalataya.
Naiisip ng maraming Kristiyano, lalo na ng mga kabataan, na napakahirap maging Kristiyano sa ibabaw ng mundong tinutungtungan natin ngayon. Agree naman ako doon, napakahirap nga. Sa katunayan, hindi lang mahirap, ito ay imposible.
Imposible ang tumayo bilang tagasunod ni Kristo, lalo na sa panahon natin ngayon. Maraming maling akala ang nabubuo ukol sa sinasabi ng ating Diyos, at lalong maraming maling akala ukol sa kung paano umaandar ang mga malalakas na institusyon sa lipunan. At dahil dito, hindi napupukol ang dapat mapukol na mga maling gawain. Hindi napagdidikit ang mga konseptong dapat ipagdikit upang makabuo ng lipunang kaaya-aya. Dahil dito, walang tumatagal na mga reporma sa pamamalakad ng pamahalaan at sa iba pang larangan ng public life, kasi hindi naisasama ang usapin ng transpormasyon na panloob. At kung meron mang mga reporma, hindi naririnig ang boses ng mga Kristiyanong Pilipino sa mga gawaing ito kasi napakaraming maling akala kung paano dapat ang matalinong pakikisalamuha sa lipunan ng isang Kristiyano.
Hindi madaling ipaliwanag na ang pusong puspos ng kagalakan sa Diyos ay malaki ang maiaambag sa ating laban para sa katarungan.
Hindi ma-imagine ng iba na ang kapayapaan na dulot ng katotohanang naririyan palagi si Kristo sa lahat ng sandali sa ating buhay ay malakas na sandata laban sa mga kaaway ng katarungan. Hindi kailangan na galit at panunumbat ang laging pinupukol sa mga katunggali. Marahil kailangang ipaliwanag na ang kapayapaang dulot ng pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang mga pangako ay hindi kahinaan, lalo na’t binuhay ang mga kautusan Niya ukol sa integridad, katarungan at katuwiran. Ito ay patotoo, na sa kahuli-hulihan, ang kabutihan at hindi kasamaan ang magwawagi.
Sa maliit na paraan, nais kong ibahagi ang aking natutunan sa loob ng 60 taon ng aking pamumuhay. Mula sa payak na pamilya na dumaan sa maraming kagipitan, sa pagkakilala at pagsuko sa Diyos sa edad na 12, hanggang sa magtrabaho kasama ng iba’t ibang mga pantas na banyaga, at hanggang sa maluklok na pinakamataas na mahistrado sa bansa, nakita ko ang kamay ng Diyos, at ang katotohanan ng Kaniyang mga sinasabi sa atin. At, hindi nga madaling mamuhay bilang isang Kristiyano, kundi imposible.
Panahon na upang mapag-usapan natin mula sa Salita Niya, sa katuruan ng kalikasan at kasaysayan, sa mga munting kwento ng ating mga mamamayan, na mayroong paraan upang mamuhay na buo ang “counsel of God”—sa ating inner man, sa ating pananalita, sa ating pag-iisip at mga gawa.
At itong “whole counsel of God” ay maaaring sundan upang ang magiging laman ng ating isipan ay hindi lamang pansariling kaligtasan at kalangitan, gayundin ay upang malikhaing magkaroon ng isang bansang tunay na makatarungan at makatao, isang “just and humane society”. Ito ang pinakamataas na social goal nating mga Pilipino ayon sa ating Konstitusyon. Natitiyak ko na ang bawat pagsunod sa mabuting plano ng Diyos ay magdudulot ng kaganapan ng ating mga God-sized dreams, mga pangarap na Siya lamang ang kayang tumupad. Panalangin ko na sa pagkamit natin ng buhay na walang hanggan o salvation by God’s grace through faith in Jesus Christ, ang Banal na Espiritu na ating natanggap ay patuloy na maging gabay at kapangyarihan ng bawat Kristiyano na mamuhay nang tama gaano man ito ka-imposible, na mahalin ang bawat isa hanggang sa ang ikalawang utos ng Panginoong Hesus ay mangyari nawa sa buong sambayanang Pilipino at magbunga ng isang just and humane society dito sa lupa para nang sa langit, at sa huli, maging aktibo tayo sa mabubuting gawain na inihanda ng Diyos noong una pa man.
Ang napakahirap at ang imposible ay nasa larangan pala ng posible, dahil kasama natin ang Diyos.