MALAKING KASALANAN ANG TANGANAN ANG NINAKAW MULA SA BAYAN, KAHIT HINDI IKAW MISMO ANG NAGNAKAW

By Maria Lourdes Sereno

Kasalanan ang tanganan ang ninakaw na bagay
Bakit po kasalanan, hindi lamang po ang actual na pagnanakaw, kundi ang patuloy na paghawak ng yaman na hindi sa iyo? Parang dapat po obvious ano, na yung fruits ng crime hindi dapat mag-benefit ang kahit sino sa pamilya ng actual na nagnakaw?
Ang katungkulan po na ibigay ang ikapu o tithes sa gawain ng Diyos ay ine-emphasize ng maraming churches. Gayun din ang pagbabayad ng buwis, at ang pagbabayad ng utang. Tinatanggap po iyan ng marami bilang tamang pagtuturo.
Ngunit nakapagtataka po, na sa maraming church people, okay lang na ang mga Marcoses ay magpatuloy na magtamasa ng ninakaw ng mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos. Wicked po ang ganyang pag-iisip, iyan po ay condemned na “calling evil as good” (Isaiah 5:20).
 
Ito po ang condemnation as sinful ang paghawak sa yaman na hindi sa iyo sa Leviticus 6:1-5:
Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Nagkakasala ang sinumang magkaila tungkol sa isang bagay na inihabilin sa kanya, ang sumira sa kasunduan, ang magnakaw o magsamantala sa kapwa at ang mag-angkin ng isang bagay na napulot at manumpang iyon ay wala sa kanya. Babayaran niya ang kanyang ninakaw, o anumang napulot o inihabilin na inangkin niya. Ibabalik niya ang alin man sa mga ito at daragdagan pa niya ito ng ikalimang bahagi ng halaga niyon sa araw na maghandog siya para sa kasalanan.”
 
Namana ng mga anak ni G. Marcos ang mga ninakaw niya at ni Imelda. Pronounced na as early as 2003 ng unanimous Supreme Court sa isang final decision, nuong time na Pangulo si Gloria Arroyo, na ang lahat ng yaman na hinahawakan ng mga Marcos mula kay Ferdinand at Imelda, maliban sa lehitimong income nila na USD 304,732.43, ay ill-gotten wealth, o nakaw na yaman. Marami na po akong pagpapaliwanag dito. Balikan niyo na lang po ang mga previous posts ko. Ibig sabihin, sa mata ng Diyos, dahil ang mga Marcoses ay tumatangan pa sa yaman na labis sa amount na iyan, sila ay napapaloob sa condemnation ng Leviticus 6:1-5, mga taong ayaw isauli ang mga yaman na hindi kanila kundi ayon sa batas ay pag-aari ng taumbayan, ng Republika ng Pilipinas.
Hindi po akma ang palusot na “do not visit the sins of the father on their children” kasi po, hindi pa nga nagsasauli ang pamilya ni Marcos sa ill-gotten wealth, so they are still continuing in their sins.
 

Bakit po hindi maaaring tanganan ang yaman na hindi sa iyo, kundi sa taumbayan?

Una, sabi ni Ambrose na isang early church father: “It is no less of a crime to take from one who has than to refuse those who have not, when you are able to help them and equipped to help them.” Therefore, just as theft may consist in taking a thing that belongs to someone else, so too it may consist in holding a thing back.” So, pagnanakaw ang hindi pagsasauli ng bagay na hindi sa iyo.
 
Pangalawa, ang hindi pagsasauli ng yaman na nakaw sa bayan ay injustice sa taumbayan, lalo na sa mahihirap na kailangang tulungan. Sa mata ni Hesus, ang hindi pagtulong sa kapwa, kung may kakayanan ka, ay kasalanan. Sasabihin pa nga Niya on judgment day na hindi Niya tayo kilala, kung hindi natin ginawa ang mga iniatas Niya sa Luke 4:18 na tumulong sa mga nangangailangan (Matthew 25:31-46). At ano po ang pinakamalaking kailangan para sa pondo natin para sa mahihirap? Na maibalik ang mga ninakaw na yaman. Ibig sabihin, ang humahadlang na maibalik ang mga ninakaw na yaman ng pamilya Marcos ay kalaban ng mahihirap. Iyan ang hindi-makatarungang epekto ng hindi pagsauli ng nakaw sa kaban ng bayan.
 
Pangatlo, ang “fruit or proof of repentance” sa sitwasyon ng korapsyon, ay ang pagsasauli ng ninakaw. Si Zaccheus po ang example na ang tunay na nakakakilala kay Hesus ay nagsasauli ng nakaw. Sabi sa Bibliya: “Then Zaccheus stood and said to the Lord, “Look, Lord! Here and now I give half of possessions to the poor; and if I have cheated anybody out of anything, I will pay back four times the amount.” (Luke 19:8). At doon sinabi ni Lord na dumating na nga ang kaligtasan sa pamamahay ni Zaccheus (verse 9). Ang simbahan ang unang dapat tumulak sa mga Marcos na mag-repent, at gaya ni Zaccheus ay magsauli ng yaman na ninakaw!
 

Ang role ng simbahan ay ipaliwanag kung paano lumalayo ang tao sa perfect will of God, in this case honesty, at hindi po maaaring ang simbahan pa ang taga-suporta ng kasalanan. Napakalaking judgment sa church kung ito ang maglalayo ng sambayanang Pilipino sa mga katuruan ng Diyos.

SHARE