Mensahe para sa mga Kababayan Natin na Nakatanggap o Umaasa na may Matatanggap na Salapi Kapalit ng Kanilang Boto

By Maria Lourdes Sereno

Salapi kapalit ng boto

Alam po nating marami na tayong mga kababayan na nakatanggap o umaasa na may matatanggap na salapi kapalit ng kanilang boto. Kung sakaling ibahagi nila ang kwentong ito sa iyo, at nais sana nilang makawala sa epekto ng pagka-pangako nila ng kanilang boto kapalit ang salapi o pangako nito, maaari siguro natin itong sabihin sa kanila:

“Kapatid, kahit ikaw ay nakatanggap ng kahit anong halaga o pangakong halaga, sa kundisyon na iboboto mo ang taong alam mong makasarili at hindi karapat-dapat, wala ka ni konting obligasyon na tuparin ang inaasahan nilang boto para sa kanya.
  • Unang-una, huwag mong tulungan ang kriminal na nangsuhol sa iyo; babawiin lang niya iyan sa pagnanakaw ng dapat mong matanggap na serbisyong publiko.
  • Pangalawa, minamaliit ka niya at sinukat ka ayon sa pera; huwag mong hayaang makapasok sa kaban ng bayan ang magnanakaw na iyan. Isasanla ka niyan, sampu ng kinabukasan ng kaapo-apuhan mo. Sinisira ng mga ganyan ang pagkatao ng mga Pilipino.
  • Walang isang salita ang mga sanay na bumili ng boto, sila nga ang nagpapakana ng pambubudol. Huwag mong suklian ng iyong “isang salita” ang mga taong walang isang salita na galing lang sa kasamaan ang pinangbibili ng dangal ng tao.
Hindi ko alam ang tindi ng kagipitan mo, kapatid. Baka kailangan mo nga talaga ng perang iyon. Nguni’t puede ring maging araw ng kapayaan mo ang Mayo 9 kung ikaw ay boboto ayon sa iyong konsyensya. Hindi maaaring silipin o piliting malaman ninuman kung sino ang iyong ibinoto. Secret voting ito, kapatid, para maprotektahan ka.
Sa mga susunod na eleksyon, lalo na kung ang naihalal natin ay matino, maraming titindig kasama mo para hindi ka na muling mapilitang kumapit sa patalim. Ngayon pa lang, ilalaban natin sa panalangin na manaig ang tunay na pagtugon sa kagipitan ng mga Pilipino, at mawakasan na ang paglaganap ng mga korap na pulitiko.” 
SHARE