DOON NAMAN PO SA MGA GINIGIPIT DAHIL PINAG-UUSAPAN NIYO ANG CORRUPTION NG PAMILYA MARCOS
By Maria Lourdes Sereno
Public record po iyan at may basehan. Simple lang po ang depensa niyo:
1. Public officials ang mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos. Ang galaw nila at benepisyo na natanggap ng mga anak nila dahil sa kapangyarihan nila nang mahabang panahon ay matters of public interest. Lalo na po na ang ilan sa kanila ay nag-aapply for public office. Karapatan ng taumbayan ang magtanong at ang mga pagtatanong at pag-uusap na iyan ay hindi maaaring sabihan na may malisya (iyan po ay ayon sa court rulings),
2. Hindi dapat maging balat-sibuyas ang mga public officials dahil may karapatan ang taumbayan malaman ang mga nangyayari o kinakasangkutan nila (legal principle din po iyan).
3. May basehan ang kongklusyon o opinyong nagnakaw si Ferdinand Marcos dahil sa mga pangungumpisal ng 13 cronies o kasabwat nila, na ang iba na nga ay nagsauli ng yaman. Ang testimonies ng mga cronies o opisyales na kasabwat ni Marcos ay nakaw o kotong ang ginawa ng dating pangulo. Halimbawa ng pangko-kotong na iyan ay ang 15% commission ni Marcos sa Japanese infrastructure fund, na naitestify ni ex-Secretary Baltazar Aquino.
4. May mga hatol na ng illegal o criminal character ng yaman nila beyond a certain magnitude. Ayon sa 2003 unanimous decision ng Supreme Court, beyond USD 304,000 plus, anything manifestly out of proportion ay ill-gotten wealth. Dinagdagan ito ng 2012 at 2017 decisions ng Korte Suprema na ganun din ang sinasabi.
5. Ang Swiss Federal Supreme Court ay nagsabing ang mga 5 Swiss accounts ng mag-asawang Marcos ay of criminal provenance.
6. Iginalang ng Singapore Supreme Court ang ruling ng Swiss Federal Supreme Court at Philippine Supreme Court kaya sinabi nilang ang Arelma account na nasa Singapore ay dapat isurrender hindi sa mga Marcos kundi sa Pilipinas.
7. Ang New Jersey court ay nagsabing ang real estate asset at cash sa New Jersey na sa mga Marcos daw ay hindi sa kanila kundi sa Filipino people.
8. Si Ferdinand Marcos, Jr. at ang dalawa niyang kapatid ang defendants sa several Marcos ill-gotten wealth decisions, kaya hindi pwedeng sabihing hindi maaaring isama ang pangalan ng dalawang magkapatid na public officials sa usapin ng ill-gotten wealth. Lehitimong tanong kung saan nanggaling ang hinahawakan nilang yaman ngayon. Harapin dapat nila ang mga tanong ng bayan. Relevant po ang tanong kung saan nakuha ni Marcos, Jr. ang nababalitang PhP 600 million na net assets niya. Kailangan po niyang ipakita kasi sabi sa Constitution “public office is a public trust” at “every public official must be accountable to the people at all times.” (Article XI, section 1)
Ang sinumang ihahabla ng mga Marcos ay maaaring ipatawag as his/her witness ang napakadaming tao at maririnig ulit ng taumbayan ang mga detalye ng pagnanakaw ng mga Marcos. Pwede pa niyang ipa-subpoena ang madaming court, PCGG at iba pang records. At maraming mga local at international historians, economists, book authors at mga researchers na puede niyang ipatawag as his/her witnesses.
Kaya hindi dapat ikatakot na maghahabla ang mga Marcos ukol sa mga statements ng taumbayan na nagnakaw sila kasi napakadaming basis ang puedeng gamitin sa depensa. For all we know, maganda nga magkaroon ng bagong paglilitis ukol sa history natin during the Ferdinand Marcos, Sr. years para mag-reflect ang taumbayan kung gaano kadali tayong mga Pilipino napagnakawan.
REQUEST LANG PO: Ang mga pag-uusap natin ay huwag po nating dagdagan ng maaaring ma-interpret na malisya. Halimbawa po, kung hindi po talaga relevant sa usapin ng corruption, iwasan po nating pag-usapan dito ang love life ng mga apo o ibang kaanak. Nais po nating iangat ang ating bayan. Iyun lang pong talagang may kaugnayan sa public issues po. Salamat po.